17.6 million physical National ID cards, nakatakdang i-deliver sa mga aplikante – Malakanyang

17.6 million physical National ID cards, nakatakdang i-deliver sa mga aplikante – Malakanyang

NASA 17.6 million na physical National ID cards ang handa nang i-deliver sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ito ang inihayag ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles kung saan ‘on target’ na rin ang pag-imprenta ng national ID.

Saysay ni Cruz-Angeles, as of August 23, nai-transfer na ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa Philippine Postal Corporation (PhilPost) ang 17.6 million physical National ID cards para sa delivery sa mga residente na ID applicants.

Dagdag pa ng kalihim, tiwala rin ang PSA na makamit nito ang  year-end target na 30.1 million printed national identification (ID) cards at 19.9 million digital ID cards na ‘printable.’

Una nang sinabi ni Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan na ang target number ng iisyung IDs sa katapusan ng taon ay 50 million.

Sa naturang bilang, 30.1 million ay physical IDs habang ang 19.9 million ay digital o printable IDs.

Iniulat din ni Balisacan sa Malacañang na nitong last 11 days, nasa 103,000 ang daily average ng physical cards na napo-produce ng printing facilities ng Bangko Sentral ng Pilipinas, na humigit pa sa daily target ng PSA.

Matatandaang ipinag-utos ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa PSA na mag isyu ng 30 million national IDs sa katapusan ng  2022 at kunin ang target goal na 92 million sa kalagitnaan ng 2023.

Sa kanyang State of the Nation Address (SONA), binigyang-diin ng Punong Ehekutibo ang mahalagang papel ng digital transformation.

At para magamit nang mabuti ang sistema, inutusan din ni Pangulong Marcos ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na i-digitize at i-harmonize ang mga database ng gobyerno at gawing madali ang pagbahagi ng kanilang data sa mga departamento at ahensiya.

Sa pamamagitan ng national ID, ayon sa Palasyo, magiging tuluy-tuloy ang transaksyon sa pagitan ng mamamayan at national and local governments.

Follow SMNI News on Twitter