Pagdagsa ng mga pasahero ngayong ‘ber’ months, asahan – PAL

Pagdagsa ng mga pasahero ngayong ‘ber’ months, asahan – PAL

INIHAYAG ng Philippine Airlines (PAL) sa SMNI na mataas na ang kanilang bookings ngayong ‘ber’ months lalong-lalo na sa mga lugar na may direct flights para sa mga overseas Filipino worker (OFW) na uuwi sa Pilipinas.

Sa eksklusibong panayam ng SMNI News, sinabi ni Cielo Villaluna, ang tagapagsalita ng Philippine Airlines (PAL), ngayon pa lang tumataas na ang kanilang forward booking.

Ibig sabihin, asahan na ang pagdagsa ng mga pasahero ngayon papalapit na ang Kapaskuhan.

Ipinagmamalaki rin ni Villaluna, na naabot na ng Philippine flag carrier ang 90% na pre-pandemic flight.

Aniya malapit na maabot ng naturang airline ang 300 flights bawat araw.

Samantala, nanawagan naman ang PAL sa kanilang pasahero na ugaliing magsuot ng seat belt habang nakasakay sa eroplano.

Ito’y upang maiwasan ang pagkakaaksidente dulot ng hindi inaasahang turbulence.

Paglilinaw ni Villaluna, dalawang klase ang turbulence na maaring masagap ng eroplano habang ito ay lumilipad.

Kabilang dito ang clear air turbulence kung saan hindi ito pagkakamali ng piloto.

Dahil ang clean air tubulence ay hindi na di-detect ng aircraft radar system.

Matatandaan una nang kinumpirma ng PAL na ang Flight PR113 mula Los Angeles, California patungong Manila ay nakaranas ng matinding turbulence, 2 oras bago ito lumapag.

Nagdulot ito ng pagkasugat sa 9 na pasahero at 3 miyembro ng crew.

Pagdating sa NAIA, agad na dinala sa ospital ang mga sugatang pasahero at crew.

Sinagot naman ng PAL ang lahat ng mga gastusin ng mga pasaherong nasugatan sa insidente pero kahit bumubuti na ang kalagayan ng mga pasahero patuloy pa rin itong mino-monitor ng naturang airlines.

 

Follow SMNI News on Twitter