KINONDENA at tuluyan nang nilisan ng NPA support group na Pinagkaisang Lakas ng Mamamayan ang mapanlinlang na propaganda ng makakaliwang grupo na CPP-NPA-NDF.
Isa dito si Ka Jenny, nagsilbing pinuno ng organisadong grupo ng CPP-NPA-NDF na Pinagkaisang Lakas ng Mamamayan ng CAMANAVA Chapter.
Bitbit ang 20 kasapi ng kaniyang grupo para sumuko at magbalik-loob sa lipunan.
Ayon sa kanya, wala ni isang pangako ng kanilang kilusan ang natupad mula sa pangunahin nilang pangangailangan na pabahay at libreng lupa.
Sa testimonya pa ng grupo, nirecruit sila ng CPP-NPA-NDF, para kunwari’y tumugon sa kanilang kahirapan ngunit taliwas anila sa una nilang pangako bagkus nauuwi sa pag-aaklas at pagkalaban sa pamahalaan.
Aminado rin ang grupo na madali silang nakuha ng mga organisasyon ng NPA dahil sa mga pamigay na ayuda na pinakamadaling pangangailangan ng kanilang hanay.
Nagdesisyon ang grupo na sumuko sa pamahalaan matapos na napag-alaman na niloloko lamang sila ng CPP-NPA-NDF at ginagamit lamang sila sa pagpalalakas ng komunistang teroristang kilusan na CPP-NPA-NDF.
At mismo sa loob din ng organisasyon anila ay may korapsiyon at iregularidad taliwas sa kanilang pagkondena sa anila’y pagkukulang ng pamahalaan para sa katulad nilang mahihirap.
Sa ilalim ng Balik-Loob Program ng pamahalaan, pinagkalooban ang grupo ng ayuda mula sa Northern Police District kasabay ng pangakong pakikipagtulungan sa mas mapayapang CAMANAVA.
Ayon kay NPD District Director Police Colonel Ponce Ibasco Penones, malaking bagay ang pagbabalik-loob ng grupo bilang tulong sa malawak na laban ng pamahalaan kontra isurhensiya.
Isa ang PLM CAMANAVA Chapter NPA Support Group sa mga grupong kabilang sa mga rally, iligal na pagtitipon at mga martsa laban sa gobyerno.