BAYANI kung ituring ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang limang magigiting at matatapang na miyembro ng Bulacan rescue matapos ialay ang kanilang buhay.
At iwan ang pamilya sa gitna ng pananalasa ng Bagyong Karding sa bansa dahil hindi alintana ang peligro.
Sinuong nina Narciso Calayag, Jerson Resurecion, Marvy Bartolome, George Agustin at Troy Justin Agustin ang ilang lugar sa lalawigan ng Bulacan hanggang natagpuan na lamang ang kanilang katawan na wala nang buhay sa magkakahiwalay na lugar sa Brgy. Camias, San Miguel, Bulacan.
D-ahil dito bumuhos ang kaliwa’t kanang pakikiramay sa mga naiwang pamilya ng limang biktima.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay Undersecretary for Brgy. Affairs Chito Valmocina, saludo ito sa kabayanihan ng mga nag-alay ng sarili para sa kaligtasan ng lahat.
Bagamat aniya, mainam pa rin ang pag-iingat at dagdag na kasanayan para maiwasan ang kaparehong insidente.
“Tayo ay sumasaludo sa kabayanihan nila. Doon mo makikita ‘yung risk pagka may mga sakuna na talagang doble ang ingat at saka ‘yung training napakahalaga, kasi kapag nagkulang ka ng training sa mga ganoong pagkakataon ay talagang may mangyayari sa ‘yo. Kaya dapat dagdagan pa ang training noong mga pumapalaot kapagka ganyang may mga bagyo. Kaya sumasaludo tayo diyan ng DILG at dapat mag-iingat talaga nang doble-doble ‘yung mga tao natin na sila ang nagriresponde sa oras ng mga sakuna,” pahayag ni Chito Valmocina, Undersecretary for Barangay Affairs, DILG.
Sa kabila ng mga naitalang bilang ng pagkasawi at ilang nawawala, nanindigan ang pamahalaan sa naging maayos na koordinasyon ng bawat brgy. at LGU sa pagharap sa kalamidad.
“Alam mo ang una diyan, malaki rin ang naitulong si Sec. (Benhur) Abalos, hands on, ‘yun bang paalala, lahat ng governor, city mayor, municipal mayor hanggang sa mga barangay, alam mo bang iniisa-isa naming. One day before tinatawagan namin hanggang magdamag ‘yun nagset-up ako ng opisina ko ng mga tao. So, malaking bagay na paalalahanan talaga ‘yung mga LGU lahat kasi iba yung tumatawag kay DILG para sila ay kumikilos talaga at talagang nagiging active,” pahayag ni Usec. Valmocina.
Nauna nang sinabi ni NDRRMC spokesperson Asec. Raffy Alejandro na malaki na ang ipinagbago ng mga Pilipino ngayong nagdaan na kalamidad.
Aniya, marunong nang sumunod ang mga tao sa mga babala ng pamahalaan sa tuwing may mga paparating na sakuna gaya ng bagyo.
Sa huli, muling nagpaabot ng pakikiramay ang ahensiya sa kabayanihan ng mga limang Bulacan rescuers at sa iba pang indibidwal o grupo na nagsakripisyo para sa kaligtasan ng lahat.
“We extend our deepest condolences and our sincere prayers to the families of the five brave rescuers who, like the thousand others tirelessly working in local government units, including police and fire personnel around the country, have carried us through the storm and exhibited their unparalleled commitment to public service. Ang inyo pong serbisyo ay hindi matatapatan ng kahit anumang halaga lalo na sa panahon ng kalamidad. Salamat po sa inyo!” ani Benhur abalos, DILG.