PABOR si Senador Christopher “Bong” Go sa mungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian at Senate President Juan Miguel Zubiri na palakasin na lamang ang industriya ng Business Process Outsourcing (BPO) sa bansa kapalit ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sakaling buwagin na ito sa bansa.
Ayon kay Go kung mapalakas ang idustriya ng BPO, makakapaglikha ito ng maraming trabaho sa ating mga kababayan.
Para sa senador mahalaga ang pagkakaroon ng kita at trabaho sa POGO subalit kung ang social cost na epekto naman nito ay ang mga nagaganap na krimen, patayan at nalalagay sa alanganin ang peace and order, wag na lang at dapat na pag-aralan ito ng gobyerno.
Welcome pa rin naman kay Sen. Go na makapasok ang mga Chinese sa bansa basta turismo ang pakay at hindi sugal ang pagtungo sa Pilipinas tulad nga ng sinabi ng Chinese government na bawal sa kanilang mga mga kababayan ang pagsusugal sa anumang bansa at tiyak na may kaakibat na parusa.