NAKATAKDANG maghain ng petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang grupong Pasang Masda.
Hirit nila ngayon ang taas-singil sa pamasahe dahil hindi na sapat ang kanilang kinikita sa pagmamaneho dahil sa nagtataasang presyo ng mga produktong petrolyo.
“Hindi sapat yung piso sapagkat nakita natin na for the past 3 weeks nag-roll back ng P2 tapos sumunod P1.50 at sumunod P.45 almost P4 and the fourth week ito ngang biglang taas ng P6.75. So, ‘yung aming e-jeepney, ‘yung aming ibinigay na ipinagkaloob ng LTFRB na P1 ay parang kainain lang din petrolyo ng diesel,” pahayag ni Ka Obet Martin.
“Talagang hindi namin alam kung paano ang gagawin namin,” dagdag pa ni Ka Obet.
Nakakabahala na aniya lalo’t may nakaambang na naman na dagdag-singil sa mga produktong petrolyo bukas ng Martes.
Giit ni Ka Obet, nasa P200-P250 na ang nawawala sa mga tsuper sa kada biyahe nila araw-araw.
Aniya, nagiging walang kwenta ang paghahanap-buhay ng mga tsuper kaya nararapat ang pagkakaroon ng taas-pasahe sa mga Public Utility Vehicle (PUV) dahil napupunta lang ang kanilang kita para ipang-gasolina.
Dahil dito, may kaunting kahilingan ang transport group sa LTFRB.
“Hihingi pa rin kami ng fuel subsidy, magse-set kami ng meeting with Secretary Jaime Bautista for the fuel subsidy or ma-request namin ‘yung free ride na hindi nakikinabang ‘yung sa service contracting program na makinabang ang mga traditional, at mga modern jeepney pati na ang ating mga driver at operator,” pahayag ni Ka Obet.
Matatandaan, nitong nakaraang linggo nang ipatupad ng ilang kumpanya ng langis ang halos P7 na taas-pasahe sa kada litro ng diesel.
Sa isang pahayag, sinabi ni Ka Obet, hinihiling nilang payagan silang makapaningil ng dagdag P1 kada rush hour upang hindi na kailangan umapela ng panibagong fare petition.