POSIBLENG sa ika-tatlong linggo pa ng kasalukuyang buwan malalaman kung naging super spreader ba ng COVID-19 ang pagdagsa ng mga tao sa mga sementeryo nitong nakaraang Undas.
Magugunitang ilang linggo bago sumapit ang November 1 ay paulit-ulit na ang panawagan ng Department of Health (DOH) na magsuot pa rin ng face mask sa loob ng mga sementeryo dahil inaasahan na ang kumpulan ng mga tao.
Batay naman sa pinakahuling talaan ay nakapagtala ang DOH ng 775 na mga bagong covid cases sa bansa at ito ang pinakamababa simula pa noong June 28.
Nauunawaan naman ng DOH na hindi na nasunod ang physical distancing dahil sobrang dami talaga ang mga tao lalo na sa entrada ng mga sementeryo, pero sana aniya ay hindi ito magdulot ng muling pagtaas ng mga kaso.