Trabaho at libreng legal assistance, available na sa tanggapan ni VP Sara

Trabaho at libreng legal assistance, available na sa tanggapan ni VP Sara

TUMATANGGAP ang satellite offices ng Office of the Vice President (OVP) ng iba’t ibang legal assistance o concerns araw-araw mula sa mga nangangailangang indibidwal.

Ayon kay Vice President Sara Duterte karamihan sa mga dumudulog sa kanilang tanggapan ay mga naghahanap ng libreng legal assistance at trabaho.

Pero dahil nakatutok ang OVP aniya sa peace and entrepreneurship programs, nakipagtulungan sila sa iba pang ahensya ng gobyerno upang mabigyan ng tulong ang mga nangangailangan.

Nakita namin sa mga lumalapit dito sa opisina namin at sa mga satellite offices na iba’t iba yung concerns nila na hindi nakaalign doon sa priority areas ng Office of the Vice President na peace and entrepreneurship. So naghanap kami ng partners tulad ng DOLE, doon sa mga naghahanap ng emergency employment o pantawid sa panahon na wala silang trabaho. At sa Public Attorney’s Office para sa mga naghahanap ng legal advice or legal assistance,” wika ni Vice President Sara Duterte.

Nitong Miyerkules pormal na nilagdaan ng OVP kasama ang Department of Labor and Employment at Public Attorney’s Office (PAO) ang isang memorandum of understanding sa layong maserbisyuhan ang mga humihingi ng tulong legal at trabaho.

Sa ilalim ng kasunduan, inaasahan na mas lalong magiging madali at epektibo ang paghahatid ng legal services ayon kay PAO Chief Atty. Persida Acosta.

Magtatalaga ang PAO ng mga tauhan sa satellite offices ng OVP para sa legal assistance at counseling.

“Ang ating inaasahan ay lalong maabot ng mahihirap sa dalampasigan, kabundukan at mga baybayin ang mga legal aid o ang pagpunta sa korte, paghingi ng hustisya,” saad ni Atty. Persida Acosta, PAO chief.

“Sa pamamagitan ng Office of the Vice President na talagang umaasa lalo na yung 32 million Filipinos na bumoto sa kaniya na naghahanap ng hustisya ay makakaabot ng hustisya,” dagdag pa ni Atty. Acosta.

Sa kasunduan naman sa pagitan ng OVP at DOLE, mas pinalawak at pinabilis ang implementasyon ng TUPAD Program.

“Sa pamamagitan ng memorandum of understanding ay kami po ang… Sila po ang magbibigay ng beneficiaries sa iba’t ibang rehiyon ng ating bansa at kami naman po ang magbibigay ng pasahod doon sa maeemploy na mga workers na maibibigay ng Office of the Vice President,” ayon kay Usec. Atty. Felipe Egargo Jr. – DOLE.

Follow SMNI NEWS in Twitter