SINISINGIL ngayon ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) kaugnay sa bilyon pisong ginagastos para sa pagtatanim ng puno.
“Gaano ka raming mga puno ang naitindig jan? Dahil pwede nating sabihin na may nursery tayo Luzon, Visayas, Mindanao. Ilang puno po talaga ang lumaki. Ilang puno po talaga ang naka survive dito?” ani Sen. Revilla.
Nasaan ang bilyong pisong halaga ng mga puno, bakit may mga pagbaha pa rin?
Ito ang tanong ni Sen. Revilla sa ginanap na debate sa Senado sa gitna ng pagdinig patungkol sa panukalang 2023 budget ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) kung paano umano nito ipinatupad ang National Greening Program (NGP) lalo pa at ramdam na ang epekto ng climate change.
“Halos kalbo na ang ating mga kagubatan at kaunti na lamang ang mga puno sa ating mga kabundukan – mga dahilan kung bakit kapag dumarating ang malakas na ulan ay tiyak ang pagbaba at ragasa ng tubig sa mga pamayanan. Higit pa rito, lubha ring napipinsala ng matinding pagbaha ang ating mga kalsada at tulay,” ayon pa kay Sen. Revilla.
Batay sa report na natanggap ni Revilla, umabot na sa P58-B ang ginastos ng DENR mula 2011 na aabot sa 1.855 bilyong puno naitanim ngunit 78% lamang nito ang nabuhay.
Sa puntong ito ay hinanap ni Revilla kung nasaan na ang nabuhay na 1.45 bilyong puno.
“Pag sinabi nating 78 percent survived saan po ba ito. Makikita po ba natin ito pag magkakaroon tayo ng site inspections Madam Chair?” dagdag pa ni Revilla.
Ipinunto ng mambabatas na hindi na sana tayo nakararanas ng pagbaha dulot ng ragasa ng tubig kung hindi kalbo ang mga kabundukan.
“Sa tatlumpung milyong hektarya na sumasakop sa buong Pilipinas, saan po ba ito nakatanim? Talagang napakasama na po ng situwasyon pero minsan katulad ng bagyong dumating tulad nitong Cordillera na may bagyong dumating, itong Cordillera ang nakapag save sa atin dahil may puno pa. Ang nakalulungkot is like what happened to Maguindanao ang Sultan Kudarat. Talagang nakakalungkot yung Maguindanao, nakalbo na po,” ayon pa kay Revilla.
Sa sunud-sunod na relief operation na isinagawa ng butihing senador, marami umano sa mga biktima ng kalamidad ang nagsusumbong hinggil sa kapabayaan sa kabundukan kaya patindi na nang patindi ang kanilang nararanasan na sinasabing nakadagdag pa ang epekto ng climate change.
Sa kabila ng pagkuwestiyon ni Revilla sa nasabing programa ng DENR ay suportado pa rin ng mambabatas ang pagpasa sa budget ng ahensya.