SIMULA Marso ngayong taon ay mag-iexport na ang Pilipinas ng durian sa China.
Nasa 8 bilyong piso ang inaasahang kikitain ng Pilipinas sa pag-angkat ng China ng mga durian.
Sa ibinahaging datos ng Bureau of Plant Industry ng Department of Agriculture (BPI-DA) aabot sa 50,000 metriko tonelada ng durian ang inisyal na ipapalabas na magbabalik ng bilyun-bilyong pisong halaga na kikitain ng bansa.
Sinabi pa ni Jose Diego Roxas, spokesperson ng BPI na wala pang pinal na petsa sa Marso kung kelan maipapadala ang naturang produkto dahil magdedepende pa rin daw ito sa China.
Pagbibigay-diin ng tagapagsalita na ang malaking kikitain sa pag-iexport ng durian sa ibang bansa ang siyang nakikitang dahilan ng posibleng pagdami pa ng mga nais pumasok sa industriya ng pagdu-durian.
Sa kasalukuyan, para mas maging handa pa ang mga magsasaka ay nagsasagawa ang BPI ng mga training.
Sa pamamagitan nito ay matutulungan ang mga magdu-durian sa tamang pamamahala ng isang durian farm, pagpa-package at pagproduce ng isang kalidad na durian.
May hiling naman si Emmanuel Belviz, Presidente ng Durian Industry Association of Davao na dapat mainspeksyon nang maayos ang mga ipapadalang durian sa China.
Pagkuha ng akreditasyon at pagsasanay para sa pag-i-export ng durian sa ibang bansa, hamon para sa Durian Industry
Sinabi pa ni Belviz, nasa higit 20 magdu-durian pa lamang ang nakakuha ng akreditasyon para sa pag-export ng durian sa ibang bansa.
Habang inilatag naman ni Belviz ang ilang hamon sa industriya sa pag-export ng durian.
Matatandaan, nasa 2.09 billion US dollars ang purchase intention na naiuwi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. mula sa pagbisita sa China.
Bukod pa ito sa durian, kabilang din ang iba pang prutas tulad ng buko at saging.
Presyo ng lokal na sibuyas sa mga pamilihan sa Metro Manila, bumagsak sa P70-P160/kg
Samantala, unti-unti nang nararamdaman ng mga retailer at konsyumer ang bumababang presyo ng lokal na sibuyas.
Sa Kadiwa store ng DA sa Quezon City, makabibili ng P70 – P100 kada kilo ng sibuyas.
Sa Commonwealth Market naman ay naglalaro na lamang sa P120 – P160 ang presyo ng lokal na sibuyas.
Wholesalers ng asukal, hamon ang hindi direktang nakakakuha ng suplay sa mga producer
Samantala, hindi pa maibaba ni Ate Teresita ang kanyang binibentang asukal.
Anya, dehado pa rin kasi sila sa usapin ng puhunan dahil sa napakamahal pa nito ngayon.
Problema nila ay hindi sila direktang nakakakuha ng suplay ng asukal sa mga magsasaka na malaking tulong sana upang mas mababa ang presyo ng kanilang bentahan.
Sa Litex Market, walang pagbabago sa presyo ng asukal.
Nasa halos P100 pa rin ang pinakamahal na bentahan ng asukal habang P85 ang pinakamura.