Administrasyong Marcos, bigong makuha ang target na GDP growth para sa 2024

Administrasyong Marcos, bigong makuha ang target na GDP growth para sa 2024

BIGONG makuha ang target na Gross Domestic Product (GDP) growth para sa 2024 ng administrasyong Marcos.

Humarap ang Pilipinas sa iba’t ibang panloob at panlabas na mga hamon noong 2024.

Nitong nakaraang taon, hinagupit ang bansa ng sunod-sunod na bagyo kung saan milyun-milyong tao at kabuhayan ang naapektuhan.

Idinaing din ng karamihan sa ating mga kababayan ang patuloy na pagbilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin lalo na sa huling quarter ng 2024.

Sinabayan pa iyan ng mga pandaigdigang tensiyon kung saan apektado rin ang bansa.

Lahat ng iyan ay naging kontribusiyon sabi ng National Economic and Development Authority (NEDA) kung bakit bigo ang administrasyong Marcos na makuha ang kanilang target na 6 hanggang 6.5 percent na GDP growth para sa 2024.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 5.6 percent lang ang full-year growth ng ekonomiya ng bansa nitong nakaraang taon.

Iyan ay matapos naitala ang 5.2 percent na paglago sa ekonomiya nitong 4th quarter ng 2024.

Ang sektor ng agrikultura, forestry, at pangingisda na isa sa major economic sectors ay bumagal ang paglago dahil sa anim na bagyo na tumama sa bansa mula Oktubre hanggang kalagitnaan ng Nobyembre.

Bumagal din ang household spending o ang paggastos ng mga pamilya sa pagbili ng mga produkto lalo na sa mga pagkain sa huling quarter ng 2024.

“During the fourth quarter, we actually had a succession of typhoons again in October up until mid-November. And this one has actually also dampen the growth momentum.”

“We see that the high food prices also the one that dampen the consumption in food in particular. So, we’re hoping that this is just temporary,” wika ni Usec. Rosemarie Edillon, National Economic and Development Authority.

Pero sa kabila ng kabiguan na makuha ang target na GDP growth, ipinagyabang pa rin ng NEDA na isa ang Pilipinas sa may pinakamabilis na paglago ng ekonomiya sa Southeast Asia.

“While this falls short of our target of 6.0 to 6.5 percent, we are positioned as the third fastest-growing economy in the region, trailing Vietnam (7.5 percent) and China (5.4 percent) but outpacing Malaysia (4.8 percent),” dagdag ni Edillon.

Mayorya sa mga Pilipino, sinabi na mahirap ang kanilang pamumuhay—SWS survey

Subalit ilan sa ating mga kabayaan, tumaas ang kilay sa sinabi ng NEDA.

Anila, hindi nila ramdam iyan at sa katunayan nga ay mas lalo silang naghirap sa panahon ngayon.

“Lumago ba tayo ngayon na sobra namang tumal ‘yung paninda.”

“Naghirap talaga, yun talaga totoong naranasan sa buhay ko.”

“Fake news talaga ‘yun yung bilis lumago,” ayon kay Diosdada Adelyn.

“Hindi ko po masyadong nararamdaman po lahat po ngayon tumataas po. Lahat ng bilihin. Sahod, wala naman pagtaas.”

“Mas lalong naghirap po. Wala namang pong pagbabago eh,” ayon kay Jean Sagaral.

Batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Disyembre 2024, dumami pa ang bilang ng mga Pilipino na nagsasabing mahirap ang kanilang pamumuhay.

63% o 17.4 milyon ng mga pamilyang Pilipino ang itinuturing ang kanilang sarili na mahirap.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble