HINDI nagkaroon ng failure of intelligence sa nangyaring pagsabog sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City nitong weekend.
Sinabi ni AFP chief of staff General Romeo Brawner, Jr. na failure of security ang nangyari dahil hindi naiinspeksiyon ang bag ng mga pumapasok sa MSU kaya nailusot ang pampasabog.
Ayon kay Brawner, may sariling security force ang MSU kaya hindi agad nakakapasok ang mga sundalo at pulis upang magsagawa ng operasyon.
Maliban dito, inasahan na aniya ng militar ang posibleng pag-atake ng local terrorist dahil sa sunud-sunod na pagkatalo nila sa Mindanao.
Tiniyak ni Brawner na naabisuhan nila ang local government units (LGUs) ng Marawi City, Maguindanao, Lanao del Sur, at Lanao del Norte na magpatupad ng security measures laban sa posibleng pag-atake sa kanilang lugar.