HINDI ititigil ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang operasyon laban sa communist terrorist group (CTGs) na CPP-NPA-NDF sa gitna ng anunsiyo na peace negotiation.
Ito ang inihayag ni AFP chief of staff General Romeo Brawner, Jr. sa AFP Leadership Summit 2023 sa Mabalacat City, Pampanga.
Ayon kay Brawner, magpapatuloy ang paglaban ng tropa ng gobyerno sa mga armadong grupo alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Sinabi ni Brawner na hindi nila papayagan na muling lumaki ang bilang ng CPP-NPA-NDF dahil lamang sa pagkakaroon ng peace negotiation.
Nauna nang sinabi ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año na hindi niya irerekomenda ang Suspension of Military Operations (SOMO) o ceasefire sa CPP-NPA-NDF ngayong Kapaskuhan.