WALANG dahilan upang magdeklara ng state of emergency sa Marawi City matapos ang pagsabog sa Mindanao State University (MSU) nitong weekend.
Sinabi ni Philippine National Police (PNP) PIO Chief PCol. Jean Fajardo na nananatiling kontrolado ng mga awtoridad ang peace and order situation sa lungsod.
Ayon kay Fajardo, walang dapat na ipag-alala ang publiko dahil ginagawa nila ang lahat ng makakaya upang mapanagot ang mga nasa likod ng pagsabog at upang hindi na maulit ang insidente.
Sa ngayon, nag-deploy na ng isang company mula sa Regional Mobile Force Battalion ng PNP katuwang ang isang company ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Matatandaang taong 2017 nang isailalim sa Martial Law ang Mindanao dahil sa paglusob ng teroristang grupong Maute sa Marawi City.