PATULOY ang AFP Northern Luzon Command (NOLCOM) sa kanilang humanitarian mission at relief operation drive para sa mga biktima ng bagyong Odette sa Visayas.
Ayon kay AFP NOLCOM commander Lieutenant General Ernesto Torres Jr., naghatid ang tropa ng Tactical Operations Wing Northern Luzon (TOWNOL) ng 85,048 kilo ng relief goods mula sa Clark Air Base sa Pampanga hanggang Pier 13 sa Maynila.
Habang nakakalap ang Joint Task Force Kaugnay ng 4,211 kilo ng assorted goods mula sa iba’t ibang stakeholder.
Ang nasabing relief goods ay kinabibilangan ng family food packs, sleeping kits, hygiene kits, at bottled water na naging posibleng sa tulong ng Office of Civil Defense-CAR at Department of Social Welfare and Development-CAR sa pamamagitan ng kanilang Oplan Binnadang.
Samantala, dadalhin ng barko ng Philippine Navy na BRP Tarlac (LD-601) ang relief goods patungong Cebu at itu-turnover sa Visayas Command na mamamahagi sa mga apektadong pamilya sa Cebu, Leyte, Bohol, at Dinagat Islands.