NASAWI ang siyam na indibidwal na pinaniniwalaang miyembro ng teroristang grupong Dawlah Islamiyah matapos na makipagsagupaan sa tropa ng mga militar sa Piagapo, Lanao del Sur nitong Enero 25-26, 2024.
Ang nasabing mga indibidwal ay pinahihinalaang sangkot sa pagpapasabog sa loob ng gym ng Mindanao State University
Pinuri naman ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner, Jr. ang dedikasyon aniya ng 103rd Brigade, 1st Infantry Division, Philippine Army, matapos ang isinagawa nitong operasyon laban sa umano’y mga terorista.
Bukod sa pagkaka-neutralize sa siyam, nakuha rin ang siyam na high-powered firearms at dalawang improvised explosive device (IED).
Nauna nang tiniyak ng militar na hindi sila titigil sa kanilang misyon na sawatahin ang mga taong nagdudulot ng takot at ikapapahamak ng mamamayan at sa seguridad ng mga ito.