SA food chain sa bahagi ng Roxas Boulevard sa Pasay City, nagkabulagaan ang mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit Southern Police District at target ng buy-bust operation.
Ang suspek, isang aktibong pulis na naka-assign sa Angeles City Police Station, Central Luzon.
Modus nito ang magbenta ng ilegal na droga, pero bahagi pa ang imbestigasyon kung saan kinukuha ng pulis-suspek ang nasabing droga.
Sa nasabing operasyon, kinilala ito na si PCpl Michael Mones Y Buyan, lalaki, 37 anyos, may asawa, at nakatira sa Pangasinan.
Ayon sa pulisya, itinuturing na isa sa mga High Value Individual si Buyan na nahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 5 at Sec. 11 sa ilalim ng Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002).
Kakasuhan rin si Buyan dahil sa paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at sa Omnibus Election Code sa gitna ng umiiral na nationwide gun ban.
Bukod sa mga drug items, nakumpiska rin kay Buyan ang iba pang non-drug items gaya ng buy-bust money, (1) black sling bag na may lamang (1) android phone, (1) Oppo cellular phone, (1) holster, (1) Glock 17 na may serial number PNP 04358, magasin na may lamang (14) live ammunition, (1) weighing scale, posas, PNP ID, at iba pa.
Agad na isasailalim sa inquest proceedings ang pulis-suspek para sa dagdag na impormasyon sa kinasasangkutan nitong kaso.
Bigo pang makapagbigay ng pahayag ang pinuno ng PNP PRO3 at kasalukuyang tagapagsalita ng PNP na si PBGen. Jean Fajardo. Bagamat sa ilalim ng umiiral na batas, mahigpit ang babala ng PNP sa mga tauhan nito na mananagot ang sinumang masasangkot sa ilegal na droga.
Hindi lamang ito ang unang beses na nasangkot ang ilang kapulisan sa ilegal na gawain, kasama na ang kidnapping, robbery with homicide, rape, at marami pang iba.
Ang pagkakasangkot ng isang aktibong miyembro ng PNP sa bentahan ng ilegal na droga ay nagbigay-diin sa patuloy na pagsubok sa integridad ng mga alagad ng batas.
Sa kabila ng mga pagsusumikap na itaguyod ang kaayusan at kaligtasan sa bansa, may mga pagkakataong ang mga miyembro ng ahensiya mismo ay nahihirapan sa pagtupad sa kanilang tungkulin.
Habang isinasagawa ang mga kinakailangang proseso at imbestigasyon, patuloy ang pagtingin ng publiko sa kung paano ang mga kasong tulad nito ay matutugunan para mapanatili ang kredibilidad at tiwala sa mga institusyong may tungkuling magpanatili ng kaayusan.
Follow SMNI News on Rumble