Akyat-bahay gang, isa sa mga babantayan ng PNP ngayong Semana Santa—PNP PIO

Akyat-bahay gang, isa sa mga babantayan ng PNP ngayong Semana Santa—PNP PIO

PINAALALAHANAN ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na mag-ingat sa posibleng pag-atake ng mga “akyat-bahay” ngayong panahon ng paggunita ng Holy Week.

Bukod sa panahon ng Undas, kadalasan din ay iniiwan ng mga pamilya ang kanilang mga tahanan dahil sa mahaba-habang bakasyon o biyahe para umuwi sa kani-kanilang mga lalawigan.

Kaugnay rito, nagpaalala ang PNP sa mga aalis sa kanilang mga tahanan, na tiyaking naka-lock ang lahat ng mga pinto at bintana, o lahat ng mga posibleng daanan papasok ng kanilang bahay.

Ito’y para mapigilan at maiwasan na masalisihan ng mga akyat-bahay gang.

Sa panayam ng SMNI kay PNP PIO Chief Police Colonel Jean Fajardo, muli nitong inalerto ang publiko laban sa mga kriminal at masasamang loob sa gitna ng paggunita ng Semana Santa.

“Sa ating mga kababayan na aalis po at iiwan po ng mga araw ang kanilang mga tahanan ay siguraduhin na nakakandado po ang kanilang mga pinto at bintana at ipasok din po ‘yung mga mahahalagang bagay sa loob ng kanilang mga bahay para hindi po ito manakaw,” saad ni Col. Jean Fajardo, Chief, PNP-PIO.

Kasabay ng mga paalalang ito, inabisuhan din ng PNP ang kanilang mga tauhan na makipagtulungan sa mga pinuno ng barangay para sa pagbuo ng puwersa na magpapatrolya lalo na sa mga kritikal na oras sa gabi.

“At ‘yung ating mga pulis sa barangays ay nandiyan po para i-supervise kung papaano po ‘yung tamang pagro-ronda at pagbabantay sa kani-kanilang lugar para hindi po sila malingat at masalisihan ng mga akyat-bahay gang,” ani Fajardo.

Uniformed personnel ng PNP, walang pahinga ngayong Semana Santa—PNP PIO

Samantala, para sa mas ligtas na pagdaraos ng Holy Week, pinayuhan na rin ng PNP ang lahat ng uniformed personnel nito na magduty pa rin, ibig sabihin walang break ang PNP para matiyak ang kaligtasan ng lahat hanggang sa pagtatapos ng taunang aktibidad ng bansa.

“Particularly po ‘yung mga uniformed personnel ay hindi po natin binibigyan ng break unless of course emergency in nature. However, ‘yung mga non-uniformed personnel po natin na nakapag-avail na ng pre-calendar break ay bibigyan naman sila ng break,” aniya.

Mula nang itaas ang heightened alert status sa hanay ng PNP, sinabi ni Acorda na nasa 75 porsiyento na ng kanilang mga tauhan ang nakakalat sa mga matataong lugar.

Kasunod nito, muling tiniyak ng PNP na wala pa naman silang namo-monitor na anumang banta sa seguridad kaalinsabay ng dalawang nabanggit na okasyon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble