HINDI irerekomenda ng Philippine College of Physicians (PCP) na ilagay sa Alert Level 2 ang National Capital Region (NCR) sa gitna ng bahagyang pagtaas ng COVID-19 cases.
Ayon kay PCP President Dr. Maricar Limpin, maraming Pilipino ang maaapektuhan kung muling ibabalik sa Alert Level 2 ang rehiyon maging ang ekonomiya ng bansa.
Aniya, itataas lamang ang alert level sa rehiyon kung tataas din ang healthcare utilization.
Sa halip, pinaalalahanan ni Limpin ang publiko na paigtingin ang pagsusuot ng face mask upang makaiwas sa virus.
Inihalimbawa pa nito ang biglaang pagtaas ng kaso sa ibang bansa matapos luwagan o tanggalin ang protocol na pagsusuot ng face mask.