Alice Guo nag-sorry kay SP Escudero

Alice Guo nag-sorry kay SP Escudero

INILAHAD ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na nakatanggap siya ng liham mula kay Mayor Alice Guo.

Sa liham, nag-sorry si Guo sa ilang mambabatas dahil sa aniya’y hindi pagkakaunawaan.

Ani Guo, wala siyang intensiyong diktahan ang Senado kung ano ang mga dapat nitong atupagin.

“Nais ko pong humingi ng paumanhin kung nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan kaugnay nga sa aking mga naging pahayag. Wala po akong intensyon na pagsabihan o diktahan ang Senado kung ano ang mga dapat bigyang prayoridad,” salaysay ni Mayor Alice Guo, Bamban, Tarlac.

Dagdag pa niya – ang kaniyang nasabi kaugnay sa Senado ay suhestiyon lamang.

“Nauunawaan ko po na ang bawat mambabatas ay may sariling tungkulin at responsibilidad sa bayan. Ang aking layunin lamang po ay magbigay ng suhestiyon base sa mga problemang nararanasan ng aking mga kababayan sa Bamban,” ani Guo.

Matatandaan na sa nakaraang linggo ay kinuwestiyon ni Guo kung bakit nakatutok o nakatuon sa kaniya ang ilang senador at opisina ng pamahalaan.

Pinayuhan pa ni Guo ang dalawang senador na nag-iimbestiga sa kaniya na ibaling na lang ng mga ito ang kanilang atensiyon sa mas mahahalagang bagay o isyu.

Ngunit ang kaniyang pahayag ay umani ng batikos mula kay Escudero. Ayon kay Escudero, wala sa posisyon si Guo para diktahan ang sinumang senador.

Nakiusap din siya ng pag-unawa at sana ay matulungan ang kaniyang mga nasasakupan dahil ang kaniyang pagkaka-suspinde ay nagiging hadlang sa kaniyang responsibilidad.

Pero para kay Escudero – ‘di niya matatanggap ang anumang pakiusap ni Guo.

“Bagamat nauunawaan ko ang pag-unawang hinihingi niya hangga’t hindi siya nagpapakita at sumusunod sa Senado ay hindi ko matatanggap ang anumang pakiusap na hinihiling niya dun sa kaniyang liham,” ayon kay Sen. Francis “Chiz” Escudero, Senate President.

Pero sinabi naman ni Escudero na posibleng naguguluhan si Guo sa kasalukuyang sitwasyon.

“Tingin ko, pati siya ay naguguluhan sa kasalukuyang sitwasyon. Mahirap din naman siguro ang malagay sa ganitong sentro ng atensiyon ng bawat ahensiya ng pamahalaan,” ani Escudero.

Sa kabila nito ay umaasa si Escudero na sana ay payuhan si Guo ng tama ng kaniyang mga abogado, na sana ay humarap at tapusin na niya ang imbestigasyon sa Senado para makausad na rin sa pag-iimbestiga ang iba pang ahensiya ng gobyerno.

Matatandaan na si Guo ay nahaharap sa iba’t ibang kaso dahil sa kaniyang pagkakaugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble