Approval at trust rating ni Marcos Jr. sa unang quarter ng 2025, bagsak

Approval at trust rating ni Marcos Jr. sa unang quarter ng 2025, bagsak

PATULOY na pagdausdos ng approval at trust rating ni Marcos Jr.

Batay sa Pahayag 2025 First Quarter Survey ng Publicus Asia, bumagsak sa 19% ang approval rating ni Marcos Jr. mula sa dating 33% noong nakaraang quarter.

Mula naman sa dating 23%, bumagsak sa 14% ang trust rating ni Marcos Jr., habang sumirit naman sa 63% ang distrust rating laban sa kaniya.

Ayon sa survey, maliban sa walang katapusang mga isyu ng korapsiyon at inflation, ang paghain ng gobyernong Marcos Jr. kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa International Criminal Court (ICC) ang tila nagpalala pa kabuuang performance ni Pangulong Marcos.

VP Sara, may pinakamataas na approval at trust rating ayon sa Pahayag Survey

Kasabay naman ng patuloy na pagbulusok ng grado ni Marcos Jr. ay siya namang paglakas pang lalo ng suporta para kay Vice President Sara Duterte.

Mula sa dating 37%, umakyat sa 42% ang approval rating ng pangalawang pangulo.

Tumaas din sa 39% ang trust rating ni VP Sara mula sa dating 31%.

Ayon sa Pahayag Survey, lumakas ang suporta kay VP Sara sa lahat ng rehiyon sa bansa, lalo na sa Central at North Luzon, Visayas, at Mindanao.

Atty. Panelo sa administrasyong Marcos Jr: Huwag nang hintaying magkaroon ng EDSA 3

Sabi ng kaalyado ng mga Duterte, hindi na kataka-taka ang nasabing survey results.

Ayon kay Atty. Salvador Panelo, hindi na nakakagulat ang pagbagsak ng ratings ni Marcos Jr. at kung hindi siya magbabago, maaaring maulit ang mga nangyari sa kasaysayan ng bansa.

“Hindi na kataka-taka at inaasahan sapagkat ‘yun po mawalang galang na sa ating kaibigang presidente, eh that is a handwriting on the wall. Iyan po ay nagpapakita na kung hindi po talaga magbago ang inyong mga pamamaraan sa pamamalakad ng bansa, maniwala kayo mauulit ang nangyari sa ating kasaysayan na nakalulungkot, na ayaw nating mangyari pero mukhang mangyayari kung hindi kayo magbabago, ang pangatlong pag-aalasa ng taumbayan,” wika ni Atty. Salvador Panelo, Dating Presidential Legal Counsel.

Binigyang-diin pa ni Panelo na ang taumbayan mismo ang nagluklok sa mga nasa ehekutibo at lehislatura upang magsilbi nang tapat at buong puso sa bansa. Ngunit sa halip na unahin ang kapakanan ng sambayanan, tila kabaligtaran ang nagaganap—isang realidad na hindi dapat ipagwalang-bahala.

“Hindi ‘yung sila pa ang magpapakanulo at magtataksil sa kanilang sinumpaang oath noong sila ay naging mga public officials,” aniya.

Dagdag pa niya, dapat nang kumilos ang administrasyon bago mahuli ang lahat.

“We are addressing the people in the government especially on the hierarchy, those with political power, huwag na po kayong maghintay na magkakaroon pa ng ikatlong EDSA 3. Tayo ay magkapit-bisig bilang mga Pilipino. Magpatawaran tayo. Kalimutan muna natin ang politika para umakyat na po tayo. Hindi pupwede na palagi tayong nakalugmok,” giit nito.

Batay rin sa Pahayag Survey, kabilang ang mga isyu sa korapsiyon, ilegal na droga, at mataas na presyo ng bilihin sa mga dapat tutukan at bigyang-solusyon ng administrasyong Marcos Jr.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble