GINUNITA araw ng Linggo, Mayo 28, 2023 ang Pambansang Araw ng Watawat.
Ito ang hudyat ng simula ng pagdiriwang ng ating Araw ng Kalayaan.
Sa Imus Cavite, eksakto 8:am ay nagsagawa ng flag raising ceremony ang lokal na pamahalaan.
Ito ay pinangunahan ni Imus Cavite Mayor Alex L. Advincula at Congressman Adrian Jay Advincula.
Panauhing pandangal naman ang National Historical Commission of the Philippines at si Senator Francis Tolentino.
Bahagi ng seremonya ang paghawi ng tabing sa bantayog ng Inang Laya.
Ang National Flag day ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 374 s. 1965 bilang paggunita sa unang paglatag ng watawat ng Pilipinas.
Nagsimula rin araw ng Linggo ang National Flag Days na tatagal hanggang Hunyo 12 o ang Araw ng Kalayaan.
Sa panahong ito, hinihikayat ang lahat ng mga opisina, ahensiya ng gobyerno, mga establisyamento, paaralan, at tahanan na maglagay o magsabit ng Pambansang Watawat bilang paggalang at pagdiriwang sa Kalayaan ng Pilipinas.
DepEd naglabas ng gabay sa pagdisplay ng watawat
Sa isang Facebook post ay naglabas naman ng gabay ang Department of Education para sa pagdisplay ng watawat.
Ang pambansang watawat ay dapat naka-display sa lahat ng pambublikong gusali, public plaza, official residences, at mga institusyon sa buong taon.
Tandaan din na kung ang watawat ay nasa flagpole, nasa ibabaw dapat ang asul na bahagi, na kulay sa panahon ng kapayapaan.
Ang pula ay para sa panahon ng digmaan.
Kung nakabitin, ang kulay asul ay dapat nasa gawing kaliwa, habang ang araw at bituin ay nasa taas na bahagi.
Araw ng Watawat, ginunita
Samantala, may ilang opisyal din ang nakiisa sa paggunita, sa kanilang sariling paraan, sa Araw ng Watawat.
Kabilang dito si Congresswoman Lani Mercado-Revilla, kung saan ipinost nya ang kaniyang larawan na nakatalikod, ngunit nakaharap sa malaking watawat na nakasabit sa House of Representatives. =
Nag post naman ng isang video si Senator Robinhood Padilla kung saan iwinawagayway niya ang Pambansang Watawat.
Konting trivia lang mga kapartner, sa Imus Cavite unang iwinagayway ang Pambansang Watawat matapos ang makasaysayang battle of Alapan na pinamunuan ni Emilio Aguinaldo noong May 28, 1898.