NAGBIGAY ng mahalagang paalala si dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo sa mga botante na maging maingat at mapanuri sa pagpili ng mga pinuno para sa nalalapit na 2025 midterm elections.
Binigyang-diin niya na hindi dapat basta magpadala sa pangako ng mga kandidato—dapat busisiin ang kanilang rekord, kakayahan, at tunay na hangarin sa paglilingkod.
“Kailangang pag-aralan niyo kung sino sa mga kandidato, lahat ng mga kandidato pag-aralan niyo. Tingnan niyo ang record niyan, ang kwalipikasyon niyan. Tingnan niyo kung mga balat-kayo ‘yan, ginagamit lang ang grupo o kung anumang grupo nila,” pahayag ni Atty. Salvador Panelo, Former Chief Presidential Legal Counsel.
Pinaalalahanan din ni Panelo ang mga botante na huwag magpadala sa emosyon.
Ayon sa kaniya, ang paggamit ng tamang pag-iisip at pagiging mapanuri ang susi upang makahanap ng mga lider na tunay na makikinabang ang bayan.
“Kaya, pag-aralan niyo. Hindi puwedeng emosyon dito. Kaya tayo nagkaloko-loko. Hindi puwedeng emosyon. Kailangan matuwid, malumanay, malalim, mapanuri ka. ‘Yan ang kailangan natin,” ani Panelo.
Ipinunto rin ni Panelo na kabilang sa mga masusing nasuri at may napatunayang track record sa serbisyo ang mga kilalang kandidato tulad ni Pastor Apollo C. Quiboloy at iba pang pambato ng PDP-Laban.
Binigyang-diin niya na hindi dapat mag-alinlangan sa kanilang integridad at dedikasyon sa paglilingkod, lalo na sa kanilang malasakit at pagsisikap na matulungan ang kanilang mga nasasakupan.
“Basta ako, Pastor Quiboloy. Nasuri na ng husto ‘yan. Si Bato, nasuri na rin ‘yan. Si Bong Go, suring-suri na ‘yan. Itong si Jimmy, mukhang nakikita mo na napakasipag—pinagtatanggol talaga, umiikot. Ok din ‘yan,” dagdag pa nito.
Sa huli, sinabi ni Panelo na bago magdesisyon sa pagboto, dapat maglaan ng oras upang masusing pag-aralan ang mga kandidato at kanilang mga plataporma upang makapagdesisyon nang tama at makatarungan para sa bansa.
Follow SMNI News on Rumble