SA misyon nito na maging isang “Super City’’, makukulay na Masskara at matatamis na ngiti ang inihatid ng Bacolod City sa pagdiwang ng ika-44 na Masskara Festival 2023 na nagtapos sa street dance and arena competition nitong Oktubre 22.
Tuwing buwan ng Oktubre, inaabangan ang selebrasyon ng Masskara Festival ng tinaguriang City of Smiles: ang Bacolod City.
Sa pagdiriwang nito ngayong taon, wari’y malulula ka sa dami ng aktibidad na hinanda ng lungsod dahil sa unang araw pa lamang ng Oktubre hanggang sa ika-apat ng linggo ng naturang buwan ay punong-puno ng samot-saring ganap gaya ng pageants, concerts, sports, charity events, kainan, at marami pang iba.
Sa pangunguna ni Bacolod City Mayor Albee Benitez, target ng lungsod na maging isang super city.
At kapansin-pansin nga ang sunod-sunod na pagpasok ng mga kilalang business at investors sa lungsod, patunay ng unti-unting hakbang ng Bacolod City tungo sa pagiging isang super city.
Brgy. Granada, back-to-back champion sa Masskara Festival Street Dance and Arena Competition
Ang pagtatapos ng Masskara Festival ay dinaluhan nina Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, Negros Occidental Gov. Eugenio Jose Lacson, Cong. Greg Gasataya, Mayor Albee Benitez at mga konsehal ng lungsod ang street dance and arena competition na nagpakita ng mga makukulay na masskara at sayaw ng 10 barangay na nakilahok.
Sa ikalawang pagkakataon, muling naiuwi ng Brgy. Granada ang grand prize na P1-M bilang kampeon ng naturang kompetisyon.
‘‘This is our fifth championship already. With our preparation, of course we considered the budget. Paano ba natin maha-handle kasi ang challenge ni Mayor, “Super City”, so “Super Masskara”. So, ano ba ang ine-expect ng mga bisita, ng mga tao natin, especially for the people of Bacolod na they should be proud of. So, talagang ginawa natin lahat ng mga kailangan. Nagpapasalamat ako sa aking mga choreographers, artists, and designers, maging sa mga dancers, propsmen, at sa mga support group na lahat tumulong upang makamit natin ang championship. So, with regards sa aking barangay council, nagpapasalamat talaga ako na they are very supportive of this endeavor that we have. And thanks God nakuha talaga natin ang inaasam namin,’’ ayon kay Hon. Alfredo P. Talimodao Jr., Barangay Captain, Brgy. Granada, Bacolod City.
Sinundan naman ang Brgy. Granada ng Brgy. Tangub bilang 1st runner up na nagwagi ng P500,000, Brgy. Sum-Ag bilang 2nd runner up na may P300,000, at tig P100,000 naman sa mga hindi pinalad na manalo.