PORMAL nang lumuklok si Engr. Danilo V. Gomez bilang bagong acting regional manager ng NIA Region 1, pinalitan nito si Engr. Gaudencio M. de Vera na na-reassign bilang regional manager sa NIA Region V.
Sa isinagawang turn over ceremony, tinanggap ni Gomez ang NIA flag na simbolo ng ‘Baton of Leadership’ na inabot sa kaniya ni outgoing Regional Manager Engr. Gaudencio M. de Vera.
Plano naman ni Gomez sa bago niyang panunungkulan bilang acting regional manager ng NIA Region 1 na sundin ang mandato ng Marcos administration na ‘zero stress’ sa mga sakahan.
Ang ibig aniyang sabihin ay iwasang malanta ang mga pananim kaya naman titiyakin ni Gomez na maibsan ang magiging dulot ng El Niño sa mga sakahan sa ikalawang cropping season ngayong taon.
“‘Yung second crop, doon natin talaga ipopokus ‘yung mitigation natin sa El Niño kasi doon magsi-set in ‘yung El Niño sa last quarter ng 2023,” saad ni Engr. Danilo V. Gomez, Acting Regional Manager, NIA-Region 1.
Kabilang sa mga hakbang na gagawin ng bagong pamunuan ng NIA Region 1 ang direct seeding at mag-shift sa high value crops kagaya ng mais, tabako, mani at iba pang pananim na hindi gaanong nangangailangan ng tubig.
Pinakaapektadong lugar aniya sa Rehiyon 1 sa parating na El Niño ang Ilocos Norte kaya may marching order ang Pangulo sa kanilang ahensiya na i-monitor ang mga irigasyon sa buong Region 1 na mayroong sapat na patubig.
“Kung kinakailangan nang mag-hire tayo ng fire truck para mailagay lang ‘yung tubig sa kanal, gagawin natin at ‘yang mga dini-distribute nating water pumps sa mga irrigators association, ‘yun ang pwede nating i-utilize,” ani Engr. Danilo V. Gomez, Acting Regional Manager, NIA-Region 1.
Ibinahagi naman ni Vaultaire Cave, president ng Irrigators Association Region 1 na obligasyon nila noon na magbayad ng 150 kilo ng palay bawat ektaryang sakahan ngunit nang ipatupad ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang free irrigation ay napakalaking tulong ito para sa mga magsasaka.
“Ang impact kasi ng free irrigation pay sa amin maganda kasi ito’y nagbibigay tulong sa mga farmers kasi obligasyon namin na magbabayad ng 150 kilos of palay per hectare ay nawala na. So ‘yung irrigation fee through President Duterte ay nagkaroon ng libre so ang laki ng impact, ang laki ng tulong sa farmer,” pahayag ni Vaultaire Cave, President, Irrigators Association Region 1.
Pabor naman si Cave sa pagiging secretary ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Department of Agriculture (DA) dahil mabilis ang tulong na bumababa sa irrigators association.
Nagpaabot naman ng mensahe si Cave para sa nalalapit ng SONA ni Pangulong Marcos,
“Ang mensahe ko sa kanya sana tuluy-tuloy ang suporta sa amin na mga farmers para iyong rice sufficiency ay hindi tayo ano…andoon tayo sa taas,” ani Cave.
Samantala, malaki ang tiwala ni outgoing Regional Manager de Vera kay new acting Regional Manager Gomez na magagampanan nito nang maayos ang bagong tungkulin at sa kaniyang paglipat sa nia Region V ay gagawin naman nito ang mga natutuhan sa NIA Region 1.
“By next week I will be going to Bicol Region, Region V so kung ano ‘yung natutunan ko dito definitely I will bring it to Bicol Region,” ayon kay Engr. Gaudencio M. De Vera, Outgoing Regional Manager NIA Region 1.
Sa kasalukuyan patuloy pa ang crafting ng Regional Irrigation master plan ayon kay Gomez na inaasahang mabuo bago matapos ang taong 2023 na siyang basehan ng pondo ng Department of Budget and Management (DBM) para sa NIA sa susunod na taon.