Bagong insidente ng umano’y escort-for-hire service sa PNP, pinaiimbestigahan ng PNP

Bagong insidente ng umano’y escort-for-hire service sa PNP, pinaiimbestigahan ng PNP

TINIYAK ng pamunuan ng PNP Highway Patrol Group (HPG) ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon hinggil sa nag-viral na escort-for-hire post sa social media.

Batay sa Instagram post na burado na ngayon, makikita ang umano’y HPG personnel sakay ng motorsiklo sa harap ng sasakyan.

Nirentahan umano ng asawa ng nag-post na social media influencer ang serbisyo ng HPG personnel upang makaiwas ito sa traffic patungo sa kaniyang destinasyon.

Sa opisyal na pahayag ng PNP-HPG, hindi nila papayagan ang anumang escort-for-hire services sa mga tauhan nito.

“PNP-HPG clearly states that we will not allow any involvement in, or endorsement of, escort-for-hire services. Such activities are strictly against our existing protocols and regulations,” opisyal na pahayag ng PNP-Highway Patrol Group.

Sa kabilang banda, binalaan din ng pamunuan ng PNP-HPG ang pagsasampa ng kaukulang kaso sa mga indibidwal anila na nais lamang siraan ang imahe ng PNP-HPG.

“We will file the necessary cybercrime related offenses to those individuals who will post any malicious statements that will malign/tarnish the image of the HPG and the possible criminal and administrative charges for or personnel,” dagdag ng PNP-HPG.

Sa ngayon, patuloy na iniimbestigahan ng PNP ang kumalat na video para suriin ito.

“An investigation is already undertaken to determine the veracity of the recent viral posts and misunderstanding related to this matter,” ayon pa sa PNP-HPG.

Nauna nang iginiit ng PNP-HPG na tanging mandato lamang ng kanilang ahensiya ang magpatupad ng batas-trapiko at maging katuwang sa pagsugpo sa krimen sa mga lansangan.

Matatandaan din na nito lamang nakaraang mga linggo, halos naging sunud-sunod ang pagkakasangkot ng mga tauhan ng PNP dahil sa pag-escort sa ilang indibidwal na walang pahintulot sa mga commander nito.

Naniniwala ang PNP na pera ang nasa likod ng pagsa-sideline ng mga tauhan ng PNP sa kabila naman ng mataas na sahod at magagandang benepisyo na nakukuha ng mga ito sa mula sa gobyerno.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter