MAGTATAYO ang Philippine National Police (PNP) ng bagong quake proof at world-class na national headquarters sa Camp Crame sa Quezon City.
Mahalaga ang papel ng Pambansang Pulisya para sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa bansa.
Mahalaga rin na mapanatiling matatag ang bawat gusali ng PNP kung saan nag-oopisina ang mga alagad ng batas.
Lalo na’t muling nabubuksan ang kamalayan ng publiko kaugnay sa peligrong dala ng mga lindol gaya ng nangyari sa Turkiye na kumitil ng libu-libong buhay at sumira ng maraming mga gusali.
Taong 1966 pa nang itayo ang gusali ng PNP sa Kampo Krame, Quezon City.
At sakaling tumama man ang isang malakas na lindol sa bansa, gaano naman kahanda ang mga gusali ng PNP.
Bagamat malayo man ito sa fault line hindi pa rin isinasantabi ng mga nangangasiwa sa gusali ang regular na inspeksiyon dito dahil na rin sa katandaan ng pundasyon nito.
Ayon pa sa Engineering Department ng PNP, aminado sila na nagkaroon ng bahagyang pag-aalala ang kanilang hanay kasunod ng nangyaring magnitude 7.8 na lindol sa mga bansang Syria at Turkiye.
Bilang katuwang ng pamahalaan at mamamayan sa pagtataguyod ng kaayusan, katahimikan at kaligtasan ng publiko mula sa anumang banta ng kalikasan, sinisikap ngayon ng PNP ang mga pag-aaral ng pagkakaroon ng matitibay na gusali at iba pang imprastraktura sa loob ng kampo.
Sa katunayan, sa susunod na mga taon, asahan na anila ang pag-usbong ng bagong world-class infrastructure.
Giit ng PNP, ang naturang istruktura ay hindi lang sisimbolo ng isang matibay na samahan ng mga miyembro ng PNP kundi ituturing ito na “last building standing” sa alinmang hamon ng panahon.
Sa huli, naniniwala pa rin ang PNP kasabay ng paalala sa publiko kaugnay sa kahalagahan ng pakikipagtulungan nito sa mga polisiya ng pamahalaan.
Mula sa pagtatayo ng mga imprastraktura at pagsunod sa mga ipinapaalala para maiwasan na may buhay na masawi muli mula sa trahedyang dala ng lindol o iba pang uri ng kalamidad sa bansa.