NAMATAAN ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang sentro ng Bagyong Auring alas-10 ng gabi, sa layong dalawang daan at siyamnapu’t limang (295) kilometro hilaga ng Itbayat, Batanes.
Ito ang kauna-unahang tropical cyclone sa bansa ngayong taong 2025.
Ayon naman sa Tropical Cyclone Bulletin #02F ngayong umaga, humina na ang Bagyong “Auring” at isa na lamang itong Low Pressure Area (LPA).
Bandang alas-4:00 ng umaga, tinatayang nasa layong limang daan at walumpung (580) kilometro hilaga-hilagang kanluran ng Itbayat, Batanes ang nasabing LPA, sa labas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Kumikilos ito pahilaga-hilagang kanluran sa bilis na apatnapung (40) kilometro kada oras.
Wala na itong direktang epekto sa bansa, ngunit pinapayuhan pa rin ang publiko na manatiling nakaantabay sa mga susunod na update lalo na sa posibilidad ng mga pag-ulan dulot ng hanging habagat.