PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Nationwide Gift-Giving Day sa Malacañang nitong araw ng Linggo, Nobyembre 26.
Malugod na tinanggap ng Pangulo ang mahigit 1,700 bata mula sa mga piling shelter at orphan care centers sa bakuran ng Malacañang.
Ang “Balik Sigla, Bigay Saya” National Gift-Giving Day ay para sa higit 17,000 na mga batang mula sa 250 na shelter sa buong bansa.
Kabilang sa mga ito ang Cebu Technological University na may 449 na mga bata, at ang University of Mindanao, Matina Campus sa Davao del Sur na mayroong 600 na mga batang kasali sa gift-giving.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Pangulong Marcos na ang Pasko at pagbibigay ng regalo ay dapat umaabot sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nais ng Punong Ehekutibo na matiyak na ramdam ng bawat bata ang diwa ng Kapaskuhan.
Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos na ang kaligayahan ng mga bata ang siyang nagbibigay-kahulugan sa Pasko.
Ang “Balik Sigla, Bigay Saya” gift-giving activity— na ginanap sa mahigit 250 na lokasyon sa buong bansa ay naging posible sa pamamagitan ng partnership ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng mga pribadong grupo.