ASAHAN sa susunod na taon ang mas pinalaki at mas pinalawak na pagsasanib-pwersa ng Philippine Army, Armed Forces of the Philippines (AFP) at U.S. Armed Forces’ Indo Pacific Command (IndoPACOM) para sa nakatakdang Balikatan Exercises 2023.
Isinagawa ang pagsasadetalye ng mga programa sa AFP Education, Training and Doctrine Command, sa Camp Aguinaldo, Quezon City nitong Disyembre 12.
Ilan sa mga nakatakdang aktibidad at mga pagsasanay na gagawin ng mga kalahok ang Interoperability Exercises gaya ng counter terrorism at humanitarian assistance and disaster response.
Taun-taon isinasagawa ang Balikatan Exercises sa pagitan ng Pilipinas at Amerika na nagiging tulay sa mas malakas at mas handang mga bansa lalo na sa usapin sa terorismo at pagsagip sa buhay tuwing may mga sakuna at kalamidad.
Sa ngayon, sa ilalim ng 2023 Iteration ng Balikatan, inaasahang madadagdagan pa ang mga pagsasanay na gagawin ng mga partisipante.
Gaya ng Field Training Exercises na tumutukoy sa combined and live fire exercises and military operations.
Nauna nang pinapurihan ng Amerika ang mga sundalong Pinoy dahil sa agresibong pakikilahok nito sa mga aktibidad ng Balikatan Exercises.
Ayon sa ilang kinatawan ng US Armed Forces, marami silang natututunan sa Pilipinas pagdating sa mga depensa lalo na sa paggamit ng mga kabundukan sa pagtugis sa mga kalaban.