MATAGUMPAY na natunton at narekober ng pinagsanib na puwersa ng 17 Infantry Battalion (17IB) ng 502nd Infantry Brigade at kapulisan ang labi ng isang babaeng kasapi ng CPP-NPA nitong Setyembre 12, 2023.
Kinilala ang amasonang NPA na si Brenda Antonio alyas Michelle isang Agta at residente ng Brgy. Peru, Lasam, Cagayan.
Napag-alaman na si alyas Michelle ay dalawang taong naging kasapi ng Bagong Hukbong Bayan matapos siyang piliting sumampa sa armadong grupo ng Partido Kumunista ng Pilipinas kapalit ang pangakong magandang buhay.
Batay sa testimonya ng dating kasamahan, namatay si alyas Michelle nang madaganan ng puno sa kasagsagan ng bagyo sa Rizal, Cagayan.
Iniwan umano ang mga labi nito at pinabayaan ng mga kasamahang miyembro ng Komiteng Probinsya Cagayan sa ilalim ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley.
Kasama sa bangkay ni Michelle, nahukay rin ang isang M16 Rifle at mga bala.
Ayon kay Lt. Col. Oliver C. Logan, Commanding Officer ng 17IB, ang senaryong ito ay patunay na hindi binibigyan ng kilusan ang halaga ng pagkatao ng kanilang mga kasamahan.
Sa ngayon, ang mga labi ni alyas Michelle ay maayos na dinala at naipasakamay sa mga awtoridad para mabigyan ng disente at maayos na libing at mabigyan katuparan ang hiling ng kaniyang pamilya na masilyan siya sa huling pagkakataon.