SASAMPAHAN na rin ng Department of Justice (DOJ) si former Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag ng 2 counts of physical at psychological torture maging ng 2 counts of serious physical injuries sa korte.
Ito’y matapos makitaan ng DOJ prosecutors ng posibleng dahilan ang mga reklamo ng mga bilanggo sa Bilibid laban sa kaniya.
Ang kasong isasampa ay batay sa mga akusasyon ng mga persons deprived with liberty (PDL) na sina Ronald Usman at Jonathan Cañeta na sinaksak umano ni Bantag sa loob ng opisina nito noong February 1, 2022.
Ayon kay Usman, sa kaliwang hita siya sinaksak ni Bantag habang si Cañeta ay sa kamay aniya pinuruhan na naging dahilan para maparalisado ang gitnang daliri.
Si dating BuCor official na si Ricardo Zulueta na siyang sinasabing kanang kamay ni Bantag ay sasampahan din ng kaso na nagsilbi umanong kasangkapan sa krimen.
Isasampa ang mga kaso laban sa dalawa sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC).
Maliban dito, una nang sinampahan ng kaso ng DOJ sila Bantag at Zulueta ng 2 murder cases dahil sa umano’y pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid at middleman na si Jun Villamor.
Kasunod nito ay pagpapalabas ng warrant of arrest ang dalawang korte para sila ay mapasuko.
Una nang sinabi ni SOJ Jesus Crispin Remulla na dalawang beses nang tumawag si Bantag para sa intensiyon niyang pagsuko.
Pero aniya, tila hindi naman seryoso ito na lumantad sa mga awtoridad.
Matatandaan na una nang itinanggi ni Bantag ang mga akusasyon sa kaniya.