IMINUNGKAHI ni Gov. Manuel Mamba ang pagrereserba sa mga Barangay isolation unit kahit wala ng kaso ng COVID-19 sa barangay o lalawigan.
Pagpapanatili sa mga barangay isolation unit sa kada bayan dito sa lalawigan ng Cagayan, mahalaga kahit na wala ng kaso ng COVID-19 sa lugar.
Binigyang diin ni Cagayan Gov. Manuel Mamba ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isolation unit sa lahat ng mga barangay para sa mga asymptomatic at may mild na sintomas ng COVID-19 virus maliban pa sa mga Community Isolation Unit (CIU) ng mga bayan.
Ayon kay Mamba, dapat na panatilihin ang mga barangay isolation units kahit wala ng kaso ng COVID-19 sa lugar para maging quarantine center sa mga naghihintay ng resulta sa kanilang test at ang isolation centers ay para naman sa mga confirmed positive at ang mga asymptomatic ay ilalagay sa mga barangay isolation.
Ang pagrereserba sa mga isolation units ay kakayanin ng mga barangay officials, barangay healthcare workers sa pangunguna ng mga kapitan ng barangay at sa pamamagitan ng tulong ng mga mayor sa probinsya.
Ito ay bilang paghahanda na rin aniya sa anumang krisis na kakaharapin ng lalawigan kaya’t importante na laging magreserba ng mga barangay isolation unit.
Samantala, kahapon ika-7 ng Hunyo ng tinanggap ng Provincial Health Office ang 3,000 Sinovac vaccine mula sa DOH Region 2.
Umaasa si Mamba na gagamitin ng bawat barangay ang ipinamahaging pondo ng pamahalaang panlalawigan na nagkakahalahaga ng P100,000 sa kada barangay.
(BASAHIN: Dalawa pang sovereign markers, itinayo sa mga isla ng Cagayan)