IDINETALYE ng Department of Science and Technology- Philippine Nuclear Research Institute (DOST-PNRI) na biktima ng ‘bad PR’ o negative publicity ang Bataan Nuclear Power Plant (BNPP).
Sa panayam ng SMNI News, sinabi ni DOST-PNRI Director Dr. Carlos Arcilla, walang katotohanan ang mga balitang naglabasan na delikado ang BNPP.
“Tapos sasabihin ng iba, ano ‘yan unsafe yan, unsafe. Ang sagot ko po diyan ganyan, kung unsafe po ang nuclear power bakit ang Amerika ay may 100 niyan? 70-anyos nang nag-ooperate,’ ayon kay Arcilla.
Buhat nang maitayo noong 1986, hindi na nagamit pa ang BNPP.
Isa sa mga issue kung bakit hindi ito nagamit ay ang lugar kung saan ito itinayo.
Ngunit ayon kay Dr. Arcilla, hindi ito totoo.
“Di ba kinancel yan noong panahon ni Cory Aquino gobyerno? Naghanap sila ng kung bakit. Sabi nila nakatayo yan sa fault at saka sa volcano,”aniya.
“Ako ay professor ng geology. Pahiram ako sa PNRI, galing ako sa UP. Ginawa pang geology ang dahilan, kalokohan pong malaki yan. That’s one of the worst fake news. Kasi bakit ka magtatayo ng 1-bilyong planta hindi mo chi-chekin na may fault sa ilalim?’ayon pa kay Arcilla.
Diin ng eksperto, ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) lamang ang makakapag-decide sa location issue ng BNPP basta’t ang malinaw aniya ay walang fault line sa ilalim nito.
Kamakailan lang ay pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Executive Order (EO) No. 164 hinggil sa paggamit ng nuclear power bilang alternatibong pagkukunan ng enerhiya.
At ayon sa pamahalaan, malaking tulong kung magkakaroon ng nuclear power sa bansa para mapababa ang presyo ng kuryente.
“Depende kung sino ang ma-eelect. May mga nagsasabi diyan na low priority ang nuclear, okay lang status quo. Pero ang problema diyan sa mga taong ‘yan, magkakaroon tayo ng energy shortage in the next few years. Magiging election issue yan. Aangkinin mo ang problema pag hindi mo ginawan ng solusyon ngayon,’ dagdag ni Arcilla.