SUMUKO ang isang batang foreign terrorist at miyembro ng Abu Sayyaf Group sa tropa ng militar sa Indanan, Sulu.
Kinilala ni AFP Western Mindanao Command (WestMINCOM) Commander Lieutenant General Roy Galido ang sumuko na si alyas Ibrahim, 13 taong gulang at isang Egyptian national.
Si Ibrahim ay pinaniniwalaang pumasok sa bansa noong 2017 bilang isang turista kasama ang kaniyang ama, ina, at dalawang kapatid na lalaki.
Ibinunyag ni Ibrahim na sumali ang kanilang pamilya sa Abu Sayyaf sa Basilan noong 2017 at lumipat sa Sulu upang sumali naman kay Abu Sayyaf Leader Hatib Hajan Sawadjaan noong 2018.
Sa edad na 10-taong gulang ay sumali siya sa Abu Sayyaf at nasangkot sa maraming engkuwentro sa Sulu.
Sa kaniyang pagsuko, kasama ni Ibrahim si alyas Ellam, 27 taong gulang, sub-leader ng Sulu-based Abu Sayyaf Group sa ilalim ni Radullan Sahiron.
Ibinaba ng dalawang terorista ang M16 rifle, M16A1 rifle, magazine, at 20 rounds ng 5.56mm ammunition at tuluyang sumailalim sa custodial debriefing.