SA pagitan ng kabundukan at baybayin, tila ginintuang hiyas ang Baybay City—isang lungsod na patuloy ang pagyabong sa agrikultura, turismo, at kabuhayan.
Hindi lang ito tahanan ng masaganang kalikasan at masisipag na mamamayan, kundi patok din ito para sa mga mahilig sa nature at adventure.
Sabi nga nila, kapag bumisita ka sa Baybay City, complete package ang mararanasan mo, mula sa sariwang hangin ng kabundukan, tanawing tila iginuhit sa panaginip, hanggang sa lutong bahay na pagkain sa tabing-dagat.
Kaya naman madaling-araw pa lang, bumiyahe na ang grupo sakay ng mga motorsiklo para masaksihan ang kakaibang tanawin sa Barangay Villa Solidaridad—ang tinaguriang Eastern Clouds.
Isa ito sa mga natatanging “off-the-beaten-path” destinations sa rehiyon. Dito, tila lumulutang sa dagat ng ulap ang kabundukan habang ang araw ay unti-unting sumisilip sa kalangitan. Isa itong tanawin na hindi basta makakalimutan, payapa, mahiwaga, at tunay na kahanga-hanga.
At kung kape ang hanap mo habang namamangha sa tanawin, swak na swak ang bagong Sky Café-tambayang may init ng kape, almusal, at breathtaking view sa ibabaw ng alapaap.
“Sa tuktok ng Lintaon Peak sa Baybay City, Leyte, tanaw na tanaw ang napakagandang Camotes Sea at ang Mt. Pangasugan. Ayon sa City Tourism Office, ito ang nangungunang tourist destination sa rehiyon,” pahayag ni Juliana Atasia Maaghop, Licensed Regional Tour Guide, Leyte.
Hindi rin magpapahuli ang Lintaon Peak—isang destinasyon para sa mga mahilig sa adventure, at sa mga naghahanap ng ganda at katahimikan ng kalikasan.
Sa pag-akyat pa lang, ramdam mo na ang malamig na simoy ng hangin. Ngunit ang tunay na kasiyahan ay nasa tuktok, kung saan sasalubong sa’yo ang mahigit 16,000 LED na bulaklak na kumikislap sa gabi, kulay pula at puti, na tila mga bituin sa lupa.
Mula rito, tanaw ang Quatro Islas, at sa kabilang bahagi naman ay ang kabuuan ng Baybay City at ang kumikislap na Camotes Sea.
“Dito sa lungsod ng Baybay, Leyte, hindi lang tanawin ng dagat ang bumibida, kundi pati na rin ang kainan sa kahabaan ng Boardwalk na patok sa mga turista at maging sa mga lokal,” ayon kay Mayor Jose Carlos Cari, Baybay City, Leyte.
Pagkatapos ng pakikipagsapalaran sa kabundukan, siguradong magugutom ka rin. At walang mas sasarap pa sa food trip sa Baybay City Boardwalk.
Mula hapon hanggang gabi, buhay na buhay ang tabing-dagat. Sa Boardwalk, habang tinatamasa ang simoy ng hangin, aliw sa ilaw ng gabi at tugtugin ng mga lokal na buskers, masisiyahan ka rin sa mga pagkain gaya ng sikat na chicken barbecue at pansit, mga comfort food ng Baybayanos.
May mga stalls din ng street food, desserts, malamig na inumin, at minsan ay may live acoustic shows. Isa itong ligtas at masayang lugar para sa buong pamilya, pang morning exercise man o pang-unwind sa gabi.
Para naman sa mga gustong magbakasyon sa Leyte nang hindi sumasakit ang bulsa, inilunsad ng AirAsia ang 7.7 Mid-Year Sale! Pwedeng makabiyahe patungong Tacloban mula ₱477 one-way base fare—isang swak na pagkakataon para maabot ang mga tanawin ng Baybay!
Ang Booking period ay mula Hulyo 7 hanggang Hulyo 13, 2025, habang ang travel period ay mula Agosto 1 hanggang Oktubre 15, 2025. Ayon sa AirAsia, ang mga pamasahe ay exclusive pa ng iba pang fees at surcharges. May kabuuang 337,743 seats ang inilaang promo para sa mga pasahero. Para sa mga interesadong bumiyahe, maaaring mag-book gamit ang AirAsia MOVE app o sa kanilang official website.
Sa Baybay City, tanawin man o pagkain, bundok man o baybayin, siguradong may maiaalay sa bawat bisita. Isang lungsod na tunay na kayang ipagmalaki ng Eastern Visayas.