BBM-Sara tandem loyalists sa Malaysia, nagsagawa ng caravan

BBM-Sara tandem loyalists sa Malaysia, nagsagawa ng caravan

NAGSAGAWA ng campaign rally ang ilang mga tagasuporta ng BBM-Sara tandem sa bansang Malaysia, karamihan sa kanila naniniwala na makakamit ng bansa ang inaasam na pagbabago sakaling maluklok ang mga ito sa puwesto.

“Marcos pa rin”, “BBM-Sara”, ito ang sigaw ng mga BBM loyalists dito sa Malaysia bitbit ang kani-kanilang banner upang ipakita ang suporta kay presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at Mayor Sara Duterte.

Umaga pa lamang nitong araw ng Linggo, nagsama-sama ang mga kababayang mga OFW mula sa iba’t ibang panig ng Kuala Lumpur suot ang kulay pulang damit na naka imprenta ang mukha nina presidential aspirant Bongbong Marcos at Mayor Inday Sara Duterte at mga campaign banner na tumutukoy sa iba’t ibang nakiisang samahan.

Ito ay para ipakita ang kanilang buong suporta sa kandidatura ng magkatandem.

Sa panayam ng SMNI News natanong namin ang ilang sa mga grupo ng mga OFW na sumusuporta sa UniTeam.

Para kay Ms. Edel Rucotan ng BBM loyalist Malaysia, pagpapatuloy ng pagbabago ang nais na makamit ng Pilipinas na pinaniniwalaan nilang si BBM lang mula sa sampung kumakandidatong pangulo ang makagagawa nito.

At dahil karamihan na rin sa kanila ay mga Ilokano, marahil ay ito na rin ang isa sa dahilan kung bakit buo ang ibinibigay nilang suporta kay Marcos Jr.

Para naman sa ilan pang miyembro nito, naniniwala rin sila na mapag-iisa ng UniTeam ang mga Pilipino para makamit ng bansa ang pag-unlad na inaasam.

At dahil nauna nang ipinangako ni BBM, na ipagpatuloy nito ang mga programa ng Duterte administration, ito rin anila ang isa pa sa dahilan kung bakit mas lalong lumalim ang kanilang paniniwala sa kakayahan ni Marcos na mamuno sa bansa.

Para naman sa ilang Pilipino na naninirahan na sa Malaysia, sinabi nilang panahon na para ibalik ang mga Marcos sa Malakanyang upang maibalik ang pagkakaisa at pagtutulungan ng mga kababayang Pilipino.

Samantala, nagpapasalamat ang mga tagahanga ng UniTeam sa SMNI News Malaysia dahil nabigyan sila ng pagkakataon na maipakita sa kanilang kapwa Pilipino sa iba’t ibang bansa na suportado nila ang sa kanilang tingin ay makapagpapatuloy ng pagbabagong nasimulan ni Pangulong Duterte.

Dahil sa mensahe ng pagkakaisa ng BBM-Sara tandem, naniniwala ang mga tagasuporta nito na malaki ang mai-aambag ng UniTeam sa muling pagbangon ng Pilipinas.

Follow SMNI NEWS in Twitter