NANGHIHINAYANG ang lokal na pamahalaan ng Pola sa Oriental Mindoro dahil tuluy-tuloy na sana ang pag-unlad ng bayan matapos makarecover ang kanilang turismo mula sa COVID-19 pandemic kung hindi lang sana nangyari ang oil spill.
Nakahanda naman ang Department of Tourism (DOT) na tumulong sa mga apektadong residente.
Bukod sa pangingisda, isa rin ang turismo ang pinagkakakitaan ng mga residente sa bayan ng Pola.
Pero dahil nga sa nangyaring oil spill, ipinagbabawal na ang mga water based activities kung kaya’t ang mga beach resorts at iba pang tourism establishment ay nagsara na lang.
Papasok na ang summer at inaasahan na sana ng lokal na pamahalaan ng Pola sa Oriental Mindoro ang muling pagdami ng mga turista sa bayan.
Bukod sa mga nagagagandang beaches, maaari din sanang maenjoy ng mga turista ang mga diving site nito.
Ayon kay Mayor Jennifer Cruz, papaangat na sana ang Pola matapos makabawi mula sa COVID-19 pandemic.
Ngunit aniya, back-to-zero na naman sila dahil sa nangyaring oil spill mula sa lumubog na oil tanker na MT Princess Empress.
Tulong sa mga tourist spots na apektado ng oil spill sa Mindoro, tiniyak ng DOT
Ayon sa Department of Tourism, isa lamang ang Pola sa 5 munisipalidad ng Oriental Mindoro na apektado ng oil spill kung saan higit 60 tourist sites ang naapektuhan.
Dahil dito, kanselado ang mga water-based activities sa mga apektadong lugar ng probinsiya.
Kapansin-pansin din na nagsara na muna ang mga beach resort.
Pagtitiyak ng DOT, nakahanda silang umalalay sa mga apektado ng oil spill.
Oil spill, maaaring umabot sa southwest part ng Palawan at Verde Island passage – OCD
Pinangangambahan naman ngayon ng Office of Civil Defense na posibleng umabot ang oil spill sa southwest part ng Palawan at Verde Island Passage.
“Ikinalulungkot po natin, umabot na po o mayroon na pong recorded or sightings na po ng oil slick sa may bandang Taytay, Palawan or northern Palawan. At kung magpapatuloy po iyong current na daloy po ng tubig po diyan at iyong hangin, is maaaring bumaba pa po dahil ang daloy ay southwest part, so ang worst case scenario natin is maaari pa pong bumaba. Pero mayroon din pong models ang UP-MSI na sakaling magbago po iyong hangin, dahil patapos na po iyong amihan, puwede pong mag-stay po within Mindoro or umangat pa po or worst case scenario naman po, umabot po sa Verde Island passage po,” ayon kay Diego Agustin Mariano, head, Joint Information Center Office, OCD
Apektadong indibidwal ng oil spill sa Mimaropa at Western Visayas, umabot na sa higit 143-k – NDDRMC
Batay sa datos ng NDRRMC, pumalo na sa higit 30 libong pamilya o higit 143 daang indibidwal ang apektado ng oil spill.
Mahigit 13 libong magsasaka at mangingisda rin ang naapektuhan.