UMABOT na sa 31,497 pamilya o 143,713 indibidwal ang naapektuhan ng malawakang oil spill na nangyari sa Oriental Mindoro.
Batay ito sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Miyerkules mula sa 122 barangay sa Mimaropa at Western Visayas.
Naaapektuhan din ang kabuhayan ng 13,654 na mga magsasaka at mangingisda.
Tiniyak naman ni NDRRMC Executive Director at Civil Defense Administrator, Undersecretary Ariel Nepomuceno na magkakaroon ng “integrated interventions” ang gobyerno upang matugunan ang epekto ng oil spill.
Samantala, umabot na sa 43.4 milyong pisong tulong ang naibigay sa mga naapektuhan ng oil spill kabilang na ang family food packs at water filtration system.