BFP Chief, nagpaliwanag sa pagkakaospital ng ilang trainees sa isang pasilidad nito sa Tacloban

BFP Chief, nagpaliwanag sa pagkakaospital ng ilang trainees sa isang pasilidad nito sa Tacloban

NAGPALIWANAG ang pamunuan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Region 8 kaugnay sa pagkakaospital ng pito sa mahigit isandaang trainees nito.

Sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay BFP chief Fire Director Louie Puracan, nilinaw nito na hindi hazing ang dahilan kasunod ng napaulat na pagkakaospital ng ilang trainees nito habang sumasailalim ito sa ilang araw pa lang na ensayo o pagsasanay sa isa sa mga pasilidad nito sa Tacloban City.

“Normal yan 2 weeks bago maka-adjust, yung iba naman mabilis makapag-adjust, yung iba rin inaabot ng 3 weeks pero normal ang 3 weeks makapag-adjust na sila so mga nakikinig ngayon; nothing to worry sa bagay na ‘yan kasi normal na to sya na pangyayari. Wala pong nangyari na hazing,” ayon kay BFP Fire Director Louie Puracan.

Nabatid na 7 mula sa mga trainees nito ang nagkaroon ng sakit sa bato o kidney failure habang nasa training ang mga ito na siya ring lumabas sa pagsusuri ng mga doktor mula sa regular na medical check up ng mga ito.

“Ito ang ating trainee na nag co-complain ng kanilang muscle pain at isa po sa ating mga preventive measures na ginagawa is to constantly check their urine so with their complaints na mo-monitor natin yung mga urine nila at sa day 2, ng training nila, merong apat na nag di-discolor ang urine o tinatawag na tea colored urine kaya i-sub-date agad ng ating health emergency service doon sa laboratory exam at tsaka check-up at ‘yun ay ang inadvise na kaagad ng mga attending doctor to be confined in the hospital as sabihin pa natin silang problema as far as the urine is concern at laboratory result is concern. From the following day may tatlo na namang nag co-complain regarding muscle pain at na-monitor din ng ating EMS personnel to have a tea colored urine kaya isinugod din natin agad for laboratory and for check-up,”  ayon kay Gen. Rodolfo Denaga, Director, BFP, Region 8.

Pero giit ng BFP, hindi anila ibig sabihin na hindi fit ang mga trainees sa ensayo kundi hindi lang sanay ang mga ito sa mga naranasang ehersisyo.

 “Physically fit ang mga ito, may medical yan, may drug test, pumapasa ito. Ang question na lang talaga dito is about stamina, nabigla lang talaga sila kasi hindi sila sanay sa strenuous activity pero physically fit sila kaya nagsasabi kami na may two weeks adjustment talaga bago ka makapag-adjust, so mag e-expect talaga kami na yung iba dito within the first week mag a-adjust dun sa activity kasi bagong routine ito,” dagdag ni Puracan.

Sa katunayan ayon pa sa BFP, hindi naman ganoon katindi o mahirap ang ipinapagawa sa mga ito, sadyang hindi lang nakayanan ng mga trainees ang ipinapagawang physical exercises.

“Ang mga exercise namin ay hango doon sa PNP. Halimbawa yung BP dozens, ayun ay hango doon sa kanilang training.  However, ang binigay na exercise sa kanila ay 4 counts in 5 good repetition, ibig sabihin sampung push up lang yun, sampung knee-bender at tsaka yung exercises is more on stretching. Actually yung medyo mabigat ay mga nasa tatlo lang; yung squat thrust, 8-count push up at saka yung push-ups including the knee-bender,” pahayag ni Gen. Denaga.

 “32 years na ako sa service, palaging may ganito talaga. This late years, di tulad nung unang panahon 80’s, 90’s na matitibay yung mga recruits natin, lately dito lang talaga namin napapansin itong mga 2010 and up, siguro diet rin siguro ng mga kabataan or tingnan niyo kulang din sa exercise. To answer your question very clear tuloy pa rin yung activities naming training para sa ganun walang putol yung serbisyo natin sa bayan, kasi kapag itigil natin ito na sumasahod na sila hindi sila magagamit sa bayan kasi ang tingin namin dito is nothing irregular. May mga physically not prepared na sumama dun sa training na naka-take oath, physically, when I say physically hindi sila ready,” ayon pa kay Puracan.

Sa huli, sa kabila ng nangyaring insidente, tuloy pa rin anila ang ensayo sa kanilang hanay bilang tugon sa pangangailangan ng bansa sa oras ng mga sakuna gaya ng sunog kasabay ng pagtitiyak na tututukan din ng kagawaran ang masusing imbestigasyon sa posibleng hazing diumano sa loob ng kanilang organisasyon.

Tiniyak naman ni Puracan na sagot ng BFP ang pagpapaospital ng naturang mga trainee dahil sila ay ganap nang mga bombero at nasa kustodiya sila nang maganap ang insidente.

 

Follow SMNI News on Twitter