MAINAM na maisaisip ng publiko ang mag-ingat mula sa sunog.
Ito ang ipinaalala ng Bureau of Fire Protection (BFP)-National Capital Region ngayong tinawag ang buwan ng Marso bilang Fire Prevention Month.
Madalas na sanhi ng sunog ay ang depektibong koneksiyon sa kuryente dulot ng luma at sirang wiring, maling pagkaka-install, at sobrang karga sa mga circuit. Kasama rin sa mga sanhi ang open flame mula sa pagluluto o kandila.
Ang Fire Prevention Campaign ay ginaganap tuwing Marso dahil sa pagsisimula ng mainit at tuyong panahon na nagpapataas ng panganib ng sunog.
Kaugnay rito, sa ikalawang araw ng Fire Prevention Month o noong Linggo, Marso 2, 2025, ay nagkaroon ng sunog sa Pandacan, Manila.
Nagsimula ang sunog 7:48 ng umaga at idineklarang fire out 9:02 ng umaga.
Sa kaparehong araw ay nagkaroon din ng sunog sa Sitio Badjaoan, Brgy. Mambaling, Cebu City. Ala-una ng madaling araw nang mag-umpisa ang sunog at idineklarang fire out 3:05 ng madaling araw.
Nasa 822 katao o 182 na pamilya ang apektado at tinatayang nasa P1.55M ang pinsalang dulot nito sa mga ari-arian.
Sa hiwalay na report, sa unang dalawang buwan ng taong 2025 ay tatlo na ang nasawi mula sa 53 aksidente ng sunog sa Cebu. Nasa P12.14M na rin ang kabuuang pinsala na naidulot nito sa mga ari-arian.
Follow SMNI News on Rumble