IIMBESTIGAHAN ng Bureau of Immigration (BI) ang sangkot na motoristang BI officer na nanakit ng taxi driver sa Taguig City.
Nitong Biyernes, Enero 5 nang mangyari ang road rage sa kahabaan ng McKinley Road kung saan sinuntok, tinadyakan, minura at binuhusan ng juice ng BI officer ang taxi driver.
Sa ulat ng Taguig Police, nasingitan umano at na-cut ng taxi ang linya ng suspek.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, hindi dapat karahasan ang sagot sa ganitong pangyayari.
Nangyari man aniya ang road rage habang naka-off duty ang kanilang empleyado ngunit titingnan pa rin nila ang posibleng nalabag ng BI officer sa civil service.
Nagpaalala rin si Tansingco sa mga empleyado ng gobyerno na dapat ipatupad ang maximum tolerance at dapat itaas ang pamantayan sa pagsunod sa mga batas nasa labas man o loob ng kanilang trabaho.