Bike lane sa EDSA, bantay-sarado ng MMDA vs gumagamit na mga motorista

Bike lane sa EDSA, bantay-sarado ng MMDA vs gumagamit na mga motorista

MAY mga umalma, mayroon namang pumabor sa naging hakbang ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) laban sa mga motorcycle rider na dumadaan sa bike lane.

Aminado ang delivery rider na si Eugene na minsan ay napipilitan silang dumaan sa itinalagang bicycle lane sa EDSA.

Paliwanag nito na hindi aniya ito maiiwasan lalo na kapag traffic at rush hours.

“Minsan nagkakamali na rin, nadadaan sa bike lane gawa ng sobrang sikip lalo na pag traffic, rush hour. Kailangan din namin makapagdeliver ng mabilis. Hindi namin maiwasan na kahit papaano mapadaan sa maling daanan talaga,” ayon kay Eugene Sagnip, Delivery Rider.

Walang namang tutol si Eugene sa utos ng MMDA na hulihin at pagmultahin ng P1,000  ang mga nagmomotorsiklo na dumadaan sa mga itinalagang bike lane sa EDSA.

Pero kung paano aniya sana tinutukan ang bike lane ay sana ay magawa rin sa mga motorcycle lane.

 “Dapat kung magkaroon ng motorcycle lane, dapat i-implement din nila na pang motor lang talaga. Hindi katulad ng… Kung may bike lane, bike lang ang nakakadaan. Motorcycle lane, motorcycle lang ang nakakadaan” dagdag ni Sagnip.

Pero para kay Jezreel, hindi siya pabor sa ipinag-uutos ng MMDA.

Dapat aniya ay ayusin muna ang designated motorcycle lane bago ito ipatupad.

“Imbes na may sarili kaming lane diyan sa EDSA, hindi namin ginagamit kasi kinakain ng mga 4 wheels eh. Kaya kami pag-traffic nag-aadjust kami. Hindi kami makalusot. Kaya imbes na may daanan kami sarili, nagagamit namin ‘yung bicycle lane,” ayon kay Jezreel Obeda, Motorcycle Rider.

Ikinatuwa naman ng siklistang si Mang Totoy ang hakbang ng MMDA.

Kailangan aniya itong gawin dahil minsan sila pang mga nagbibisikleta ang napeperwisyo.

Sila rin aniya ang madalas na nag-aadjust at gumigilid na lang sa sidewalk kapag may nakasabayan silang naka-motor sa bike lane.

“Tama lang ‘yun kasi kaming mga biker’s nahihirapan rin kaming dumaan.”

“Kami kapag dumaan kami dito, nandito silang lahat, nandiyan kami sa sidewalk. Wala na kami sa bike lane. Doon kami lugi,” ayon kay Totoy Nopia, Siklista.

Para naman kay Mang Romeo dapat aniya, ang paghuli at pagmulta sa mga motorcycle rider ay magdedepende sa sitwasyon.

“Depende sa sitwasyon. Kung emergency naman siya o kaya pagkain na kailangan madala sa oras, okay lang naman ‘yun.”

“Siyempre ‘yung hindi makalabas na mga senior di ba, priority ‘yun eh. So ‘yung nga nagmamadali na papasok lang naman, siguro sumunod sila sa batas,” ayon kay Romeo Antonio, Siklista.

Nitong Lunes ng umaga, bantay-sarado na ng mga tauhan ng MMDA ang bike lane sa kahabaan ng EDSA.

Base sa monitoring ng MMDA sa EDSA, napakaraming motorcycle riders ang dumaraan sa bicycle lane kaya hindi na magamit ng mga nagbibisikleta.

Dagdag ng ahensiya, ang bike lane ay ginagawa ng fast-lane ng mga nagmomotorsiklo.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble