LUMUTANG ang isang biktima ng Golden Trial Syndicate na nailigtas ng pamahalaan sa lubos na kapahamakan.
Humarap sa Kamara ang kababayan nating si CJ, hindi niya tunay na pangalan para ikwento ang pait na dinanas niya sa Golden Triangle Syndicate.
Nitong 2022 lamang siya na-rescue sa kamay ng grupo na nag-ooperate daw sa border ng Thailand, Laos at Myanmar.
Modus daw ng pangkat ang mang-recruit ng mga Pinoy sa social media sabay alok ng malaking pasahod.
“Ang pangako nila sa akin is 120,000 a month. Tapos noong nakakausap ko na yung nag-recruit sa akin ayun dire-diretso, isang araw nga lang yung process eh,” salaysay ni CJ, biktima ng Golden Triangle Syndicate.
Translator daw ang alok na trabaho sa kanya.
Pero, laking gulat nito na pang-iiscam pala ang trabahong dadatnan niya sa abroad.
Pinag-aalok daw sila ng grupo ng crypto investments gamit ang Instagram at dating applications para makapambiktima.
Ang karaniwang target, mga mayayamang Amerikano.
“Gumawa kami ng dummy account, sa Instagram… Instagram tapos ngayon gagawa kami ng mga dating sites, mga app pasok kami doon maghahanap. Ang mangyayari nun pagdating ng ano nun tatlong tao kada… Kasi pakilala naming sa client namin mayayaman kami eh… Bigtime, tapos tatlong araw… 3 days- may proseso kasi yun, kailangan 3 days mapag-invest mo na sila,” kwento pa ni CJ.
Kalaunan, binigyan daw sila ng kota na anim na biktima kada araw.
At kung hindi makuha, otomatik ang parusang squats at pangunguryente.
Binabantaan din daw sila na papaluin ng baseball bat.
“Una pa lang, pagpasok mo pag wala kang client, sigurado yon… Mag-aano ka paparusahan ka nila. Yung parang squat, paparusahan ka nila, pa-squat ka ng 100 ano,” aniya.
Umabot sa isa’t kalahating buwan si CJ sa kamay ng sindikato.
Aminado naman ito na hindi siya dumaan sa legal na proseso sa pag-aabroad.
At sa internet lang ito naghanap ng job hiring na ang ending ay kamalasan.
Mabuti na lamang at nakahingi sila ng tulong at agad na-rescue.
“Kapagka nag-report ka sa Embassy hindi ka kaagad-agad na matutulungan… gawa noong mahirap maka ano eh ala silang access para makapasok sa lugar na ‘yon. Kunwari kapag pumasok sila doon pwede na silang patayin doon pag wala silang access. Humingi pa sila ng tulong sa Laos, tapos bago sila makapasok. Tapos nang makapasok na yung head ng human trafficking, tapos dinala kami sa embassy natin sa Laos,” dagdag ni CJ.
“Alam niyo po yung sinasabi natin na mafia, ito yung Golden Triangle kung saan walo ang narepatriate ng OFW Party-list na nakipag-ugnayan sa atin. Itong Golden Triangle, malaking mafia to. Mga Chinese ito na talagang kung bumibiktima ng halos everyday meron 100 to 200 na biktima ang mga OFWs natin na pinadadala sa abroad,” ayon kay Rep. Marissa ‘Del Mar’ Magsino, OFW Party-list.
Apela naman ng isang subok na Philippine Recruitment Agency sa mga gusto mag-abroad na huwag manimpalad sa social media.
At dumaan sa lisensyado at accredited recruitment agencies kung gustong kursunadang mag-abroad.
Lalo na’t karaniwang binibiktima ng mafia ang mga Pinoy na nagmamadaling makalabas ng bansa.
“Punta sila sa list of legit recruitment agencies sa POEA magtanong kung sino ang may job order. Then kung sino ang may job order at kung legit yung mga company na pupuntahan nila,” saad ni Tita Morales, Chairman and Founder | CDK International Manpower Services.
“Hindi yung nag-aapply ka pa lang meron ka nang flight tomorrow. Doon pa lang mag-isip na sila na hindi yan legal talaga,” dagdag ni Morales.
Ayon naman kay CJ, nasa 60 na Pinoy pa raw na kasama niya ang naiwan sa Golden Triangle.
Kaya payo nito sa mga gusto mag-abroad…
“Sa akin lang ang maipapayo ko lang, mag-apply sila sa legal, yung legit talaga kagaya ng POEA. Nandiyan naman yung POEA eh. Napakahirap ng dinanas namin lalo. Buti na lang pasalamat na lang ako sa Panginoon kasi hindi naming dinanas yung ano eh, talagang torture talaga na nasi-search ko sa Facebook. Talagang totoo pala yun,” ani CJ.
May apela naman ang OFW Party-list sa mga Pinoy na kasabwat ng Golden Triangle dito sa bansa.
“Naku tigilan na po natin maawa kayo. Kapwa tayo Pilipino, huwag na kayong tumulong sa pag-rerecruit sa mga kababayan natin. Kumita kayo ng pera, okay malaking bagay sasabihin natin sa pamilya natin pero hindi niyo po ba alam ang balik noon na kapwa Pilipino niyo pahihirapan, iisipin niyo bubugbugin, kukuryentihin,” ani ‘Del Mar’ Magsino.
Sa dialogue na pinatawag ni Congresswoman ‘Del Mar’ Magsino, na-establish ang pagbuhay sa Presidential Task Force Against Illegal Recruitment ngayong Marcos administration.
Ang hahawak dito ang Department of Migrant Workers (DMW) katuwang ang law enforcement agencies.
Bubuo naman ang party-list ni Del Mar Magsino ng panukalang batas laban sa illegal recruitment at human trafficking.