SIMPLENG kasinungalingan at gawa-gawa lamang, ito ang reaksiyon ni Sen. Christopher “Bong” Go sa akusasyon ng nagpakilalang lider ng Davao Death Squad na si Arthur Lascañas.
Pahayag ni Go, lies and fabrications ang sinabi ng retiradong pulis na si SPO3 Lascañas na wala namang inilalabas na ebidensiya sa akusasyon nito.
Idinadawit ni Lascañas si Go sa Davao Death Squad (DDS).
Sinabi ni Lascañas na si Go ang inuutusan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na mangolekta ng detalye ng mga target ng DDS.
“Walang ganyang order na ibinigay si dating Pangulong Duterte. Even since when he was still the mayor of Davao City, never nagbigay ng ganiyang klaseng order si PRRD. Kailanman ay wala siyang inutos sa ‘kin na ilegal,” ayon kay Sen. Bong Go.
Sagot naman ni Go, walang ganiyang ilegal na utos sa kaniya ang dating Pangulong Duterte na dating Mayor ng Davao City.
Ayon sa senador, rehashed issue lamang at paulit-ulit na binabalita pero walang pruwebang napapakita o napatutunayan si Lascañas dahil hindi naman ito totoo.
“Kung may katotohanan sa sinabi niya at may tunay na pagkakasala kami, dapat noon may nakasuhan na. Lumang tugtugin na ‘yan, estilo nilang bulok para tapunan ng putik ang iba upang magmukhang malinis sila,” wika ni Go.
Bukod kay Go ay binanggit din ni Lascañas na si Vice President Sara Duterte ang nasa likod ng Oplan Tokhang sa Davao City na agad namang itinanggi ng dating alkalde.