BIR, kinalampag sa tax incentives para sa mga abogado na may libreng serbisyo sa mga dukha

BIR, kinalampag sa tax incentives para sa mga abogado na may libreng serbisyo sa mga dukha

PINAKIKILOS ni Senador Lito Lapid ang bagong opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na aksyunan na ang batas sa tax incentives para sa mga abogado na may libreng serbisyo sa mga dukha.

Sa kanyang liham na pinadala sa bagong talaga na si BIR Commissioner Lilia Guillermo, sinabi ni Lapid na hindi pa naipatutupad ang R.A 9999 o mas kilala bilang Free Legal Assistance Act dahil sa kawalan ng Implementing Rules and Regulation (IRR).

“However, 12 years since the law was signed, the law is still unimplemented, primarily because the Bureau of Internal Revenue (BIR) has yet to promulgate the necessary Implementing Rules and Regulations (IRR). The law provides that it should have been issued 90 days from the date of its effectivity,” pahayag ni Lapid.

Ang R.A 9999, na si Lapid ang pangunahing may-akda, ay naisabatas sa termino ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo 12 taon na ang nakalilipas.

Sa nasabing batas, may tax deduction na aabot sa 10% ng gross income ang mga abogado na may libreng serbisyo sa mga dukha o di kayang magbayad ng legal fees.

“Layunin ng batas na ito na makapagbigay ng libreng serbisyong legal sa ating mga kababayan na lubos na nangangailangan nito. Kaya naman mahalagang maipatupad ang batas na ito sa lalong madaling panahon,” ayon kay Lapid.

Ito ay upang mabawasan na rin ang dami ng trabaho ng Public Attorney’s Office (PAO) na pangunahing nagbibigay ng libreng serbisyong legal sa mga mahihirap.

Samantala, ibinida ni PAO Chief Atty. Persida Acosta ang higit 200 mga abogado na kanilang kinuha para sa pagbibigay ng matapat, mabilis, at serbisyong legal para sa mga Pilipino na humihingi ng hustisya.

Sa eksklusibong panayam, sinabi ni Atty. Acosta na iba’t ibang mga posisyon ang bakante para sa mga nais pumasok sa PAO.

Dahil dito muli nilang binuksan ang oportunidad para sa mga bagong abogado.

Pagbibigay-diin pa ni Acosta, hindi basta-basta ang pinagdaanan ng mga pumasang abogado dahil masusing kinilatis ang bawat isa upang pasok at handa sa bawat hamon na kanilang kahaharapin bilang abogado ng maralita.

Aniya, mula sa libu-libong aplikante ay nauwi na lang ito sa higit 200 abogado.

Follow SMNI News on Twitter