PATULOY ang talamak na bentahan ng mga ilegal na vape products sa bansa. Kaya naman, tuloy-tuloy rin ang enforcement at monitoring ng Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa mga ito.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., isinampa na nila kamakailan sa Department of Justice (DOJ) ang mga criminal charges laban sa mga illicit vape trader at importers ng mga vape brand na Flava, Denkat, at Flare.
Pumalo sa humigit-kumulang P8.7B (P8,681,028,850.82) ang halaga ng buwis na hindi binayaran ng mga negosyanteng ito.
“Ang kasong isinampa natin ay iyong, of course, nandiyan iyong illegal possession ng mga vape products at iyong tax evasion and failure to file excise tax returns, at patuloy pa rin ang gagawin nating pagsampa ng mga kaso sa mga mahuhuli natin na nagbibenta pa rin ng mga vape products na hindi bayad ang buwis,” pahayag ni Romeo Lumagui, Jr., Commissioner, BIR.
Kasabay ng paglaganap ng illicit vape trade, pinaaalalahanan ng BIR ang mga endorser o promoter ng mga vape products na maging masusing magsuri at tiyaking lehitimo ang mga vape brands na kanilang iniendorso.
Ayon kay Lumagui, dapat siguraduhin ng mga endorser na rehistrado at nagbabayad ng karampatang buwis ang mga produkto. Aniya, nakalathala naman sa website ng BIR ang mga brand na sumusunod sa regulasyon at pinapayagang magbenta.
Kung ang vape product ay ilegal, maaari ding managot ang mga endorser, alinsunod sa batas.
“Lahat ng konektado sa mga pagbibenta ng vape ‘no, dahil iligal nga ang pagbebenta or mere possession ng mga vape products na hindi bayad ang excise tax ay considered unlawful na iyan at may violation under the tax code. So, lahat ng mga involved dito sa mga pagbebenta ng mga vape products ay madadamay sa kasong tax evasion,” aniya.