KAMAKAILAN lang, sinalakay ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang isang residential compound sa Marilao, Bulacan. Nadiskubre nila na ginawa itong vape warehouse.
Sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., papalo sa mahigit-kumulang P540M ang tax liabilities kasama na ang penalties at surcharge ang haharapin ng mga negosyanteng sangkot dito.
“Mga 81,000 na vape pads ang ating nakumpiska. Malaki-laki ito kung nakita mo sa garahe tinatago, talagang bahay siya na hindi nyo mapagkakamalan na doon ginagawa ang imbakan at doon din nagkakaroon ng deliveries ng vape products na ito,” ayon kay Romeo Lumagui, Jr., Commissioner, Bureau of Internal Revenue.
Kaya naman, kasama na ring tinututukan ng ahensiya ang lahat ng posibleng imbakan ng ilegal na vape products.
Tungkol naman sa pagkakakilanlan ng may-ari ng ni-raid na vape warehouse, ani Lumagui, patuloy pa nila itong inaalam.
Patuloy ring iniimbestigahan kung paano ang distribusyon ng mga ilegal na produktong ito. Kasama namang babantayan ng BIR ang bentahan online.
Babala naman ng opisyal sa publiko, siguraduhin na ang lahat ng vape products ay rehistrado sa BIR at Department of Trade and Industry (DTI) at bayad ang mga buwis nito.
Madali aniyang malaman ito dahil nakapaskil ang detalye sa website ng BIR kung alin-alin ang nagbayad ng excise tax.
“At makikita rin natin ‘yan kung may stamp ang produktong binebenta. Kung wala ‘yan, otomatik hindi bayad ang excise tax,” aniya.
At kung mayroon namang nalalaman na ginagawang imbakan ng vape products at nagnenegosyo na hindi bayad ang excise tax at hindi rehistrado, hinikayat ng BIR ang publiko na magsumbong sa pamamagitan ng pag-email sa [email protected].