Biyahe ng bus patungong Hilagang Luzon sa ilang terminal sa QC, ‘fully booked’ bago ang Holy Week

Biyahe ng bus patungong Hilagang Luzon sa ilang terminal sa QC, ‘fully booked’ bago ang Holy Week

ILANG araw bago ang Holy Week, nagmadali nang magsiuwian ang ilang pasahero para makaiwas sa inaasahang dami ng biyahero at aberya sa daan.

Sa Cubao, Quezon City, ang ilang biyahe patungong Hilagang Luzon, fully booked na.

Ang Overseas Filipino Worker (OFWs) mula Qatar na si Bonelia Pilit ay pitong taon nang hindi nakakauwi sa kanilang probinsiya sa Baguio.

Buti na lang aniya at napayagan siyang makauwi sa Pilipinas upang makapiling ang kaniyang pamilya na matagal na niyang hindi nakakasama.

Pagkatapos makauwi sa Pilipinas ay agad na siyang dumiretso sa isang bus terminal para makabyahe.

“Siyempre magsiksikan kapag Holy Week hindi na talaga na tayo makakalusot niyan. Kaya, mas maganda na ganito na lang maaga pa mas mainap para hindi tayo siksikan. Grabe na naman sigurado ang trapik kapag Holy Week,” wika ni Bonelia Pilit, Pasahero.

Dagdag pa ni Bonelia, nais niyang makaiwas din sa matinding trapik lalot inaasahan na rin niya na marami ring pasaherong maagang bibiyahe palabas ng Metro Manila.

Ang pasahero namang si Mark Cabusi ay tumungo na rin sa isang terminal upang bumili na rin ng ticket ng maaga.

Sa dami kasi ng pasaherong magbabakasyon sa Hilagang Luzon ngayong Holy Week, tiyak na mahihirapan siyang makabili.

“’Yung usual na pila at tsaka kapag nandoon sa booth hindi maiwasan ‘yung mga hassle minsan ‘yung sa transakyon nila multiple transactions as much as possible gusto mo na lang maghintay sa waiting area,” ani Mark Cabusi, Pasahero.

Ang Baguio City, na kilala bilang ‘Summer Capital of the Philippines’, ang pupuntahan nito ngayong Holy Week para makapag-relax, makapag-enjoy, at siyempre makapiling ang pamilya.

Kaya maaga pa lang ay nakahanda na aniya ang kaniyang itinerary para ngayong Semana Santa.

Sabi naman ng pamunuan ng isang pampasaherong bus sa kahabaan ng EDSA Cubao sa Quezon City, ilang biyaheng pa Hilagang Luzon na ang ‘fully booked’ sa araw na ito.

“’Yung biyahe nating Zambales, Baguio at Pangasinan. Bale sa ngayon ang ginagawa natin ng paraan as long as may mga pasahero pang nagi-inquire maga-add pa rin po tayo ng mga biyahe,” Dennis Labrador, OIC, Marketing Area – Victory Liner Bus.

Sa ngayon ay hindi pa masabi ng pamunuan ng naturang bus terminal kung ilan ang maitatalang pasahero dahil inaasahan nila ang bugso o dami ng pasahero sa susunod na Linggo.

“Nire-ready na namin lahat ng aming empleyado pati ‘yung mga buses at dino-double check na lahat ngayon upang alamin kung nasa maayos silang kalagayan ngayon,” ani Labrador.

Bukod aniya diyan, paubos na rin ang tiket sa iba pa nilang branch kabilang na ang biyaheng pa Cagayan, Aparri, Tabo, at Tuguegarao.

Road safety plan ng LTO, nakahanda kasabay ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong Semana Santa

Samantala, inatasan na ni Land Transportation Office Chief Vigor Mendoza II ang lahat ng Regional Directors na maghanda sa inaasahang buhos ng mga motorista. Ayon kay Mendoza, inaasahan kasing magsisimula ang dami ng mga pasahero sa Miyerkules, Abril 16.

Hinimok ni LTO Chief ang mga motorista na tiyaking nasa maayos na kondisyon ng kanilang mga sasakyan para maiwasan ang abala o aksidente sa daan.

“At ang lagi po nating bilin magbaon ng pasensya dahil asahan natin ang traffic. Hindi makakatulong ang galit o road rage sa ating naka-planong maayos na biyahe,” saad ni Asec. Vigor Mendoza, Chief. Land Transportation Office (LTO).

Follow SMNI NEWS on Twitter