Biyahe ng ilang barko sa probinsiya suspendido, dahil sa Bagyong Betty

Biyahe ng ilang barko sa probinsiya suspendido, dahil sa Bagyong Betty

SUSPENDIDO ang ilang biyahe ng barko dahil sa masamang panahon na dulot ng Bagyong Betty.

Ang ilang pantalan ay nagsagawa na ng inspeksiyon bilang emergency response sa kalamidad.

Bago ang pagpasok ng Bagyong Betty sa Philippine Area of Responsibility (PAR) nitong weekend ay suspendido na ang ilang biyahe ng barko.

Una nang sinabi ng Philippine Ports Authority (PPA) na ipatutupad nila ang ‘no sail policy’, gaya ng direktiba ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga alanganin na lugar sa biyahe ng shipping lines.

Kahapon, Mayo 28, suspendido ang biyahe ng Montenegro Shipping Lines na MV Maria Rebecca na papuntang Puerto Princesa-Cuyo,

motor yacht (MY) Stella Maris Explorer papuntang Tubattaha, MV Discovery Palawan na papuntang Tubattaha.

Pansamantalang suspendido rin ang biyahe ng MV Water Taxi-1 mula sa port ng San Carlos patungong Toledo City.

Maging ang MV RMLC Ferry 1 – baseport Legazpi papuntang Rapu-Rapu, Albay, gayundin ang MV RRBTC (RoRo vessels) baseport Legazpi papuntang Rapu-Rapu, Albay.

Maging ang MV Virgen de Peñafrancia III mula San Pascual, Masbate patungong Pasacao, Camarines Sur ay suspendido muna ang biyahe.

Kanselado rin ang biyaheng MV Rosalia 3 sa Baybay papuntang Cebu.

Gayun din ang MV Rosa-Lito Express na may biyaheng Naval papuntang Maripipi Island.

Ayon sa shipping lines, dahil ito sa malalakas na alon sa karagatan dulot ng Super Typhoon Betty.

Samantala, mayroong sumadsad na isang passenger vessel ng MV Reina Xaviera sa harap ng local government unit (LGU) ng Dapa Boulevard, Dapa, Siargao Island nitong weekend.

Ayon sa shipping lines dulot ito ng malakas na hangin kasabay ng pagkakaroon ng engine trouble na naging dahilan sa pagsadsad nito.

Agaran namang nai-rescue ang 38 na pasahero na lulan ng nasabing passenger vessel at nailipat sa maliit na bangka sa pangunguna ng LGU ng Dapa at pagbibigay assistance ng PCG, Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine National Police (PNP).

Samantala, agaran namang kinansela ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang cargo ship safety certificate (CSSC) ng MV Reina Xaviera.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter